Tinanggap ng Milan Court ang reklamo ng isang binata. "Ang pagiging regular ng mga magulang ay hindi isang requirement"
Milan – Pebrero 4, 2015 – Kung ipinanganak at lumaki sa Italya, ay maaaring maging isang mamamayang italyano ang anak ng sinumang undocumented. Hindi tamang maapektuhan ang bata dahil sa naging sitwasyon ng kanyang mga magulang.
At dahil sa katwirang ito, ang hukuman sa Milan ay tinanggap ang reklamo ni H.G., isang binata na anak ng mga Pilipino na ipinanganak sa Milan noong 1994, lumaki at dito rin nag-aral hanggang makatapos ng liceo scientifico. Isang pangkaraniwang sitwasyon ng ‘ikalawang henerasyon’.
Sa pagsapit sa labingwalong taong gulang ni H.G., ay nakatanggap ng liham buhat sa Comune kung saan ipinapaalam sa binata ang karapatang maging isang ganap na italyano. Ngunit pagkatapos, ang parehong tanggapan ay ipinagkait ang citizenship. Sa anong kadahilanan? Ang kanyang mga magulang ay undocumented noong 1994 at noong 1996 lamang nagkaroon ng regular na permit to stay at samakatwid ay sa parehong taon lamang naipatala ang anak sa anagrafe.
Para sa unang seksyon ng Civil Court ng Milan, gayunpaman, ang binata ay may karapatan magkaroon ng italian citizenship, tulad ng nasasaad sa hatol noong Enero 29, 2015 sa pamamagitan ng mga tanggapang pinamumunuan ni Roberto Bichi.
"Ang requirement ng pagiging legal sa pananatili ng mga magulang ng aplikante ng citizenship, ay hindi nasasaad bilang isang kundisyon sa pagbibigay ng citizenship batay sa artikulo 4, co 2 ng batas 91/1992”, paliwanag ng mga hukom. “Ang kundisyong kinakailangan, kasama ng ipinanganak sa Italya at sa deklarasyon hanggang sa pagsapit ng ika-19 na taong gulang) ay ang tuluy-tuloy na paninirahan mula kapanganakan hanggang sa ika-18 taong gulang ng aplikante”.
"Ang ganitong mga kaso ay madalas mangyari. Maaaring may pagkakamali sa pagpapatala o iscrizione anagrafica o ang mga magulang ay hindi ito agad ginawa. Ang batas ng 2013, gayunpaman, ay malinaw, kung saan nasasaad na ang mahalaga ay ipinanganak sa Italya at naninirahan sa Italya at upang mapatunayan ito ay sapat ng ipakita ang pag-aaral ng aplikante sa mga paaralan sa Italya”, paliwanag pa ni Atty. Alberto Guariso, ang nangalaga sa kaso kasama ng kasamang si Livio Neri.
Ayon kay Guariso, "Ang problema ay may mga Comune na tinatanggihan ang citizenhsip ng mga kabataang 18 anyos dahil sa pagiging mausisa at mga burukratikong pagkakamali. At samakatwid, ay nagkakaroon ng hindi pantay na pagpapatupad sa mga Comune kung saan residente: maaaring ang parehong kaso ay binigyan ng citizenship sa isang Comune ngunit hindi naman sa karatig na Comune”.