May dalawang pusong, pinag-isa ng pag-ibig
Pinagtali ng pag-asa, ng tiwala’t pananalig
Ang matamis na sumpaa’y, nanatiling bukang-bibig
Ako’t ikaw tayong dalwa, magunaw man ang daigdig
Ang hagupit ni Kupido, ang syang naging pamantayan
Na sila ay magsasama, sa dulo ng walang hanggan
Walang unos na pupwedeng, sa kanila ay hahadlang
Maging kulog maging kidlat, ay kanilang lalabanan
Oh kay sarap ng magmahal, oh sarap ng umibig
Sa dalawang magsing-irog, kulay rosas ang paligid
Ang kislap ng mga mata, puro ligaya ang hatid
Walang hindi madadarang, sa tindi ng mga titig
Ang hininga’y mapupugto, sa yakap na anong higpit
Ang puso ay nagwawala, sa madalas na pagpintig
Ang matamis na panaghoy, ay tila ba isang awit
Na hindi ka magsasawa, na palaging naririnig
Ang sumpaa’y nanatiling, hawak-hawak ni Kupido
Na anuman ang mangyari’y, hindi sila magbabago
Kahit sibat ang iharang, kahit magunaw ang mundo
Ikaw-ako tayong dal’wa, sa harden ng paraiso
Ang sigaw ng mga puso’y, umaabot hanggang langit
Ang lahat ng mga angel, sumasabay sa pag-awit
Gumagawa ng musika, ang dalawang magsing-ibig
Walang hindi maaakit, sa malambing nilang tinig
Ang Perbrero’y itinakda, sa dalawang magkasuyo
Kung kailan silang dal’wa, ay pamuling magtatagpo
Ang panahong inilagi, na sila ay magkalayo
Ay pa muling magkikita, SA ARAW NG MGA PUSO
Letty Manigbas Manalo