Ako po ay nagta-trabaho bilang isang colf mula noong nakaraang Setyembre. Obligado bang gumawa ang aking employer ng certificazione unica o ang tinatawag na‘CU’?
Una sa lahat ay kailangang malaman na ang certificazione unica o ang tinatawag na CU ay ang kapalit ng kilalang certificazione unica dei redditi o CUD, kung saan nasasaad ang kabuuang kinita o sinahod sa isang buong taon ng isang manggagawa (empleyado, self-employed o collaborators man).
Kabilang sa mga pagbabagong hatid ng simplification law noong 2015, ang CUD ay pinalitan ng CU o certificazione unica, kung saan nasasaad ang kabuuang kinita ng manggagawa sa pamamagitan ng form buhat sa Agenzia dell’Entrata.
Sa pagbabagong ito, gayunpaman, ay hindi sakop ang mga employer ng domestic jobs.
Nananatiling obligasyon ng mga employers ng domestic jobs ang ibigay ang dichiarazione sostitutiva del CUD, kung saan nahahayag ang kabuuang halagang sinahod ng colf, babysitter o caregiver sa isang buong taon. Walang anumang opisyal na dokumento dahil ito ay tumutukoy sa isang simpleng deklarasyon ng employer. Gayunpaman, maaaring gamitin ang form na ito.
Ang deklarasyong ito ay kailangang gawin kahit na ang trabaho ng kasambahay ay hindi hihigit sa isang taon. Sa ganitong kaso, ay kailangang tukuyin ang halaga ng sinahod at ang kaukulang buwan nito; halimbawa mula Setyembre hanggang Disyembre 2016.
Kahit na sa national collective contract o CCNL ay hindi nasasaad ang eksaktong panahon ng pagbibigay ng nasabing dokumento sa manggagawa, for documentation purposes ay dapat na ibigay ito sa worker 30 araw bago ang due date sa paggawa ng dichiarazione dei redditi 2017. Ito ay upang magkaroon ng sapat na panahon para sa income tax return o dichiarazione dei redditi. Sa taong 2017, ang due date ng modello 730 ay sa July 7 o 23, 2017 at para sa modello Redditi naman ay sa October 2, 2017.
Ipinapaalala rin na ang dichiarazione sostitutiva del CUD ay kailangang ibigay sa worker sa loob ng 12 araw kung sakaling magbibitiw o tatanggalin sa trabaho ang worker.