Milan, Marso 3, 2015 – Sa tuwing araw ng mga puso o mas kilala na Valentine’s Day, kanya-kanyang pakulo at gimik ang ginagawa ng lahat, lalo na ng mga teenagers.
Kabilang dito ang Filipino Community of San Lorenzo, na sa ikalawang pagkakataon ay nag- organisa ng isang kaiibang Valentine's Party, ang “PROM 2” CUPIDS AND COCKTAILS.
Ayon sa event coordinator at organizer na si Jinna Marasigan, nabuo ang CUPIDS AND COCKTAILS sa pakikipagtulungan ng mga kabataan sa Milan at ng socio cultural committee. Layunin nito ang ipakita sa mga kabataan sa Milan ang kultura ng mga Filipino, lalo na sa mga kabataang sa ibayong dagat na ipinanganak dahil ito ay inihalintulad sa tradisyong Junior-Seniors (JS) PROM ng mga estudyante sa Pilipinas. Ngunit sa pagkakataong ito, ay kasama ng mga kabataan ang kani-kanilang mga magulang kung saan magkakakila-kilala ang mga ito sa isang party.
Sa kabila ng malakas na ulan ay tuloy pa rin ang valentine’s party, tuloy pa rin ang date kung kaya’t madaling napuno ang lugar na pinagdausan ng nasabing okasyon.
Suportado din sa nasabing event sina Rev. Father Emil Santos at Rev Father Bong Osial na kapuwa matagal ng naninilbihan sa tahanan ng Diyos sa Basilica di San Lorenzo sa Milan.
“Maaari silang mag-ingay, maglaro subalit huwag gumawa ng kasalanan”, mga salitang mula kay Don Bosco, ayon kay Father Emil sa kanyang paghahalimbawa.“Para sa aming mga pari, we like what the youth like, so that they would like what we like.”
Hangga’t maaari aniya ay magsimba, magmahal sa Diyos ang mga kabataan at dagdag pa niya na ang kabanalan ng mga kabataan ay nabubuo mula sa kagalakan.
Sinabi din ni Rev. Father Bong Osial na natutuwa sila dahil ito ay naging inisiyatiba ng mga kabataan.
Kahit masama ang panahon at maraming appointment ang panauhing pangdangal na si ConGen Marichu Mauro ng Philippine Consulate General in Milan ay nagtungo pa rin ito sa party, at labis itong natutuwa dahil kanyang nakita na magkakasama ang mga magulang at anak sa isang valentines party.
“I am here because I believe in the objective of this event, we are here tonight to celebrate valentine’s day, mas higit pa doon ang atin sine-celebrate, we are not only celebrating valentine’s day but we are celebrating the Filipino youth.”
Bago pa man nagumpisa ang event ay binasbasan muna ng mga pari ang mga dumalo sa nasabing party.
Pagkatapos ay ipinakilala nila ang mga candidates sa King and Queen PROM2 na kinabibilangan nina Sarah Punzalan at Gianmarco Salinel, Allyssa Mari delos Angeles at Paul Anthony Gupilan, Diana Bautista at Kyle Anthony Banta, Divine Antonette Banayad at Cyrus Walter Torecilla,
Apat lang na communities ang nakadalo sa party, ayon kay Jinna. Ipinaliwanag din nito na ang Filipino Community of San Lorenzo ay mayroon dalawang sister community, ito ay ang Filipino Community of Gesu Salvatore of Milano 3 at Filippino Community of San Donato(FCDS). Ang Butong Milan Youth Club sa ilalim Butong Milan Club na bagong tatag ay sumali sa unang pagkakataon sa event at sa pamamagitan nitong PROM2 ay malaki ang bilang ng mga kabataan na umanib sa naturang grupo. Samantala ang Famiglia Community naman ay mula sa Santa Maria del Carmine Church.
”We recognized them as a community in FCSL. Mayroon ding mga youth from Rosario Association, Singles for Christ and Youth for Christ of Couples for Christ Milan Chapter pero walang candidate”, dagdag pa ng event organizer.
Sa mga patimpalak ay nanalo bilang King and Queen PROM2 sina Gianmarco Salinel and Sarah Punzalan; Best Cotillioners naman sina Darrel Punzalan at Angelic Daag; Best outfit of the night si Pamela Lleva; Sexiest of the night naman si Angelic Daag; Apple of the night si Krizelle Dianne Respicio.
Napili namang Bumagets award winners ang mag-asawang Gianni Morim at Let Ramirez.
Masaya ang mga magulang dahil nakasama nila ang kanilang mga anak sa party, tulad ni Mr. Lamberto Cuyama, isang ama. Sinabi niya na first time at proud siya na kasama ang kanyang dalagita sa cotillion. Samantala, ayon naman kay Neri Casalla, isang ina, ay madalas umanong kasama ang kanyang anak sa mga ganitong okasyon dahil hilig din niya ang disco.
Masayang nagsayawan ang lahat mula sa mga classical hanggang sa mga latest dance music. Bukod dito, walang spirited drink na hinain para sa mga kabataan na kadalasang ‘pampalakas loob’ umano kapag sinabing disco.
Kaugnay nito, sa panayam ng Ako ay Pilipino sa isa sa mga candidates sa King and Queen PROM na si Paul Anthony Gupilan, ay kinuwento ng binata na matagal nang nililigawan ang kanyang partner sa nasabing PROM na si Allyssa Marie delos Angeles at napagkasunduan ng kani-kanilang mga magulang na sila ang magkatuwang sa PROM. Gayunpaman, dagdag ng binata na napagkasunduan nila na magtapos muna ng pag-aaral, makamtan ang mga ambisyon sa buhay. Sa ngayon ay inspirasyon ng bawat isa ang umiiral sa kanila.
Samantala, ayon kina Gianmarco at Sarah, ang nanalong King and Queen Prom2, na tuturuan nila ang mga nakababata sa kanila na maging educated sa mga ganitong social events.“Tutulungan naming ituro sa kanila kung paano ang naging ugali namin dito tulad na pagiging behave at hindi magaslaw at maging isang magandang halimbawa sa ibang youth.”
Sa pagtatapos ay nanawagan si Jinna sa mga youth na maging aware sa kanilang kapaligiran at huwag kalimutan ang mga social graces at christian formation na ipinagkaloob sa kanila bago nag-umpisa ang PROM upang sa susunod na okasyon ay payagan muli sila ng kanilang mga magulang.
Ulat: Chet de Castro Valencia
Larawan: Ruel de Lunas, Melvin Saballa