Magrini (Coldiretti): “Flussi para sa mga non-EU seasonal workers hanggang kalagitnaan ng Marso, kung hindi ay isang problema.” Natale Forlani: “Sa likod ng maraming aplikasyon ay isang merkado permit to stay. Hindi ito regularization!”
Roma – Marso 4, 2015 – Hindi pa man ganap na spring time ay sinisimulan nang pag-usapan ang mga papasok na non-EU seasonal workers sa bansa upang maging tama ang panahon ng kanilang pagdating sa anihan. Ang pamahalaan ay kasalukuyang naghahanda ng decreto flussi para sa mga seasonal workers mula 10,000 hanggang 11,000 kumpara sa 15,000 noong 2014 at sa 30,000 naman noong 2013.
Naging batayan sa bilang na ito ay ang analisis ng mga eksperto buhat sa Ministry of Labor ukol sa resulta ng flussi stagionali 2014. Ang mga aplikasyon na natanggap ay higit sa 30,000, karamihan ay rejected dahil sa kakulangan sa requirements ng provincial labor office. Sa bilang na ito ay 9,000 lamang ang inisyung clearance (o nulla osta) ng mga sportelli unici per l’immigrazione at ang pinirmahang employment contract (contratto di soggiorno) ay umabot lamang sa 5,500.
Sa likod ng mga maraming aplikasyon ay hindi isang tunay na pangangailangan sa panahon ng pag-ani ang nakita bagkus, sa karamihan ng mga ito, ay “isang merkado ng permit to stay, sa halip ng tunay na trabaho”, paliwanag sa mga unyon ni Natale Forlani, ang direktor sa Immigration Department ng Ministry of Labor. Ang mga aspirants (mga dayuhang nasa Italya na ngunit hindi regular at mga dayuhang nasa sariling bansa) ay handang magbayad sa mga intermediaries at mga businessmen na di alintan ang validity ng permit to stay na ilang buwan lamang.
Tinatantiya ng Ministry of Labor na ang 60% ng seasonla job ay covered na ng mga Europeans (Romanians, Polish at iba pa) na hindi kinakailangang maghintay ng dekreto sa pagpasok sa Italya, o ng mga imigrante na nasa Italya na.
Sang-ayon naman ang mga unyon sa naging analisis ng Ministry. Gayunpaman, ay humihingi sila ng mas epektibong instrumento upang labanan ang illegal hiring na sumasamantala, maging sa pamamagitan ng dahas, sa mga dayuhang manggagawa, gayun din ang merkado ng permit to stay, na kapalit ng huwad na pangako ng regularization, ang isang malaking halaga mula sa mga taong nasa miserableng sitwasyon na.
Nananatiling mapanganib, gaya ng laging nangyayari, na maraming imigrante na walang permit to stay ang nag-aakalang ang seasonal decree ay isang regularization.Kailangang ulit-ulitin na ito ay hindi isang regularization! Sa puntong ito, inaasahan na ang mga trade associations ay patuloy na magiging tila ‘filter’ sa legalities laban sa mga fake applications.
Ngunti sapat ba ang 11,000 (kasama na ang mayroong multiple entry permit) seasonal workers? “Hindi ito marami ngunit ito ay sapat na”, ayon kay Romano Magrini (Coldiretti). At kung sakaling kukulangin, ay mayroong angkop na pamamaraan upang magbigay pahintulot sa mabilis na paraan. Inaaasahan namin ang flexibility ng Ministry tulad sa nakaraan. Kung ang mga quote ay hindi magagamit lahat sa ilang lalawigan ay mabilis itong nailipat sa lalawigang higit na nangangailangan”.
Higit na kritikal ay ang panahon. Inaasahang pipirmahan ang decreto flussi sa kalagitnaan ng Marso, medyo gipit na, dahil nangangailangan ng mula sa 40 hanggang 50 araw bago makarating ang mga seasonal workers sa Italya. Makalipas ang panahong ito, ay magiging isang problema sa unang anihan”.