Hanggang sa kasalukuyan, ang 80 € kada buwan na ipinangako ng legge di stabilità ay nananatiling pangako pa lamang. Naaantala ang implementing rules.
Roma – Marso 6, 2015 – Ano na nga ba ang mga updates ukol sa bonus bebè? Tatlong buwan na ang nakakalipas nang simulan ang taong 2015 ngunit ang ipinangakong tulong na itinalaga ng Legge di Stabilità sa mga pamilya ay nananatiling nasa papel pa lamang.
Ang bonus bebè, ayon sa batas, ay isang tulong pinansyal ng 80 euros kada buwan sa loob ng tatlong taon sa mga pamilyang mayroong bagong silang na sanggol o legal na inampon. Ang kinakailangang ISEE o Economic Situation Indicator ay hindi lalampas sa 25,000 euros yearly. Samantala, kung ang ISEE naman ay hindi lalampas sa 7,000 euros yearly, ang halaga ng bonus bebè ay madodoble at magiging 160 euros kada buwan.
Ang bonus ay magbubuhat sa tanggapan ng Inps, ngunit kung tatawagan ang toll free number ng nasabing tanggapan 803164 para sa anumang impormasyon ukol sa pagsusumite ng aplikasyon: “Wala pa kaming maisasagot, subukang tumawag ulit pagkalipas ng ilang linggo”, ang tanging sagot na maririnig buhat sa mga operators ng tanggapan. Ang implementing rules and guidelines ang hinihintay ng tanggapan para sa angkop na pagpapatupad at pagbibigay ng bonus.
Ngunit, ang regulasyon, tulad nang inilathala ng akoaypilipino.eu ay tapos at handa na. Halos isang buwan na ang nakalipas matapos i-anunsyo ni Minister Angelino Alfano: “Pirmado na nina Ministers Poletti at Lorenzini ang implementing rules at inaasahan ang nalalapit na pagpapatupad nito”.
Maaaring primado na ang dekreto, ngunit hindi pa tapos ang paghihintay sa ganap na pagpapatupad nito.
Sa mga magulang ng mga sanggol, na tinatayang mula noong Enero hanggang sa kasalukuyan ay halos 80,000, ay kailangang maghintay pa rin at dagdagan ang pasensya. Dahil maaari lamang magsumite ng aplikasyon matapos ang paglabas ng pinakhihintay na dekreto o implementing rules.
Kabilang ang mga imigrante sa mga naghihintay na magulang dahil ang bonus bebè ay nakalaan sa mga italyano at mga EU nationals (tulad ng Romanians at Polish) kabilang din ang mga non-EU nationals na mayroong EC long term residence permit o mas kilala sa dating tawag na carta di soggiorno.