Maraming mga magulang ang nagtatanong ukol sa € 80 gamit ang hindi opisyal na application form. “Lahat ay gagawin online matapos itong ilathala”.
Roma – Abril 9, 2015 – Kahit ipinanganak na ang sanggol, ang bonus ay kailangan pa ring hintayin. Dahil na rin sa mga magulang na patuloy na nagtatanong at sinubukang magsumite ng aplikasyon, ang Inps ay inulit na ang aplikasyon ay tatanggapin lamang matapos mailathala ang dekreto ng implementing rules and guidelines nito.
Sa isang mensahe (tunghayan sa ibaba) na ipinadala kamakailan ng Inps sa lahat ng mga ahensya nito, ay sinabi “ang pagkalat at paggamit ng maling application form sa pagtanggap ng bonus. Ang mga ito ay isinumite ng personal at ang ilan naman ay ipinadala sa pamamagitan ng certified email”.
Ang mga forms na ito ay walang halaga. “Habang hinihintay natin ang paglalathala sa Official Gazette ng dekreto ng Presidente ng Council of Ministries – paglilinaw ng Inps – ay wala pa ang angkop na pamamaraan nito upang tanggapin ang mga aplikasyon dahil wala pa rin ang opisyal na form nito”.
Ang mga windows sa tanggapan ng Inps ay hindi maaaring tumanggap ng aplikasyon gamit ang mga form na hindi opisyal habang wala pa ang dekreto at circular ukol sa pamamaraan nito. Isang bagay lamang ang malinaw sa ngayon, na ang mga aplikasyon ay ipapadala lamang online.
Ngunit ayon sa isang panayam sa Director ng Ministry of Labor, kaunting panahon na lamang umano ang kinakailangan. Maaari ring makuha ang bonus para sa mga nakaraang buwan mula ng ipanganak ang mga sanggol, simula Enero 1, 2015.
Ang bonus bebè ay ibibigay ng tatlong taon matapos ipanganak o mag-ampon ng isang bata sa mga pamilya na ang ISEE ay hindi lalampas ng € 25,000 kada taon. Ito ay isang tulong pinansyal ng €80 kada buwan at magiging € 160 kada buwan kung ang ISEE ay hindi lalampas ng €7,000 sa isang taon. Maaaring mag-aplay nito ang mga Italians, Europeans at mga non-EU nationals na mayroong carta di soggiorno.