Ipinadala sa akin ng kumpanya ang Certificazione Unica o CU. Dapat ba akong mag-file ng income tax return o dichiarazione del reddito? Ang mga anak ko ba na nasa Pilipinas ay maituturing na fiscally dependents o ‘fiscalmente a carico’?
Ayon sa batas ng Italya, ang sinuman na nagkaroon ng sahod sa nakaraang taon ay dapat ihayag sa Estado ang tinanggap na sahod, maliban na lamang kung kabilang sa mga exempted. Ito ay upang maiwasan ang mapatawan ng multa at karampatang parusa.
Sa kabila nito, mayroong mga kaso na hindi obligasyon ang mag-file ng tax return. Halimbawa, ang mga tumatanggap ng sahod buhat sa iisang employer lamang at ito ay tumatayong withholding agent na obligadong bayaran ang withholding tax, ay hindi obligadong gumawa ng tax return.
Subalit, sa exemption na nabanggit ay hindi kabilang ang mga colf at caregivers dahil ang employer ay isang indibidwal o pribado o persona fisica at hindi isang withholding agent maliban na lamang kung ang kabuuang kita (o sahod) o gross income ay katumbas o mas mababa sa € 8000.
Gayunpaman, ang income tax return ay maaari ring gawin, kahit na exempted, upang ideklara ang lahat ng ginastos para sa ‘detrazione’ o upang hingin ang refund sa anumang kredito o labis na kabayaran ng buwis sa nakaraang taon o ng anumang advance payment para sa taong 2016.
Sa paggawa ng tax return, ay maaari ring ideklara ang ginastos ng mga fiscally dependents o ‘fiscalmente a carico’ na miyembro ng pamilya. Isaalang-alang na tinutukoy na fiscally dependents ang lahat ng miyembro ng pamilya na may kita na katumbas o mas mababa sa €2.840,51.
Maaari ring ideklara ang mga fiscally dependents na anak na residente sa labas ng bansang Italya kung nagtataglay ng codice fiscale o tax code. Bukod dito, ay kailangan ding patunayan ang pagiging ganap na fiscally dependent nito, kung hindi ay hindi deductible ang mga gastusin.
Ang mga non-EU nationals na nais ang deduction ng mga fiscally dependents ay kailangang nagtataglay ng mga dokumento na nagpapatunay ng relasyon sa pamamagitan ng:
- Orihinal na dokumento buhat sa Embahada, isinalin sa wikang italyano at legalized sa prefecture;
- Orihinal na dokumento buhat sa sariling bansa, isinalin sa wikang italyano at sertipikado bilang orihinal sa Italian Embassy sa sariling bansa.
ni: Dott.ssa Maria Elena Arguello
isinalin sa tagalog ni: Pia Gonzalez-Abucay
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]