in

TADHANA

Tunay ba na ang tadhana ay hindi maiiwasan at madalas ay masama ang kinahihinatnan?

 

 

Bakit kaya sa buhay ko’y, naka abang ang pagsubok
At pilit na hinahamon, ang puso kong sakdal dupok
Bakit kaya ang ligaya, ay binalot na ng lungkot
Sa madilim na bahagi, inilagak inilugmok

Ang buhay ko’y simpleng simple, walang ibang hinahangad
Kundi ang paglingkuran, itong aking tatlong anak
Walang ibang hinihingi, walang ibang binabalak
Kundi ang maibigay, at matupad ang pangarap

Iniwan ko ang ina ko, sa piling ng aking ate
Tanging siya ang titingin, at gagabay araw-gabi
Anong higpit ng balitang, sa taynga ko’y nakabingi
Ang ina kong matanda na’y, iniwan ng aking ate

Ang ate kong nag-iisa, pati ako ay iniwan
Wala siyang itinira, kundi pawang kalungkutan
Ang ligayang kakaunti, binitbit pa sa libingan
Oh ka sakit ng pagsubok, na ginusto ng Maykapal

Ang luha ko’y bumubuhos, sa sakit na naramdaman
Ngunit walang nagmumula, sa mata kong nakatunghay
Ang mata ko’y nakatutok, sa malamig niyang bangkay
Na para bang nagsasabing, ako sayo ay paalam

Paglipas ng isang taon, muling dagok ay dumating
Ang Ina kong minamahal, sa ate ko’y sumunod din
Ang hagupit ng tadhana, sa buhay ko’y sapin-sapin
Patong-patong na hinagpis, sunod-sunod na tiisin

Ako noon ay nanumbat, ako noon ay nagtanong
Bakit naman sunod-sunod, ang ginawa Mong paghamon
Bakit lahat ng mahal ko, kinuha mo taon-taon
Bakit lahat ng pighati, sa akin mo ibinunton

Ang masakit na nangyari, binitbit ko lahat-lahat
Isa-isang ipinatong, sa magkabila kong balikat
Sa himaymay nitong puso, isa-isang isinaksak
Isa-isang isinilid, sa tuliro ko nang utak

Ina, Ate, ako’y inyong iniwanan,
Nag-iisang lumalangoy, sa madilim na karimlan
Ang mundo ko’y gulong gulo, ngunit walang madaingan
Walang-walang umaaliw, kapag ako’y nalulumbay

Ang masakit na nangyari, na hindi ko malimutan
Sa puso ko’y nakaukit, dadalihin ko habang-buhay
Ang Ina ko nang umalis, at sa mundo’y mamaalam
Di ko man lang nasilayan, ang malamig niyang bangkay

Ang puso ko’y pigang piga, ang puso ko’y sumisigaw
Ang puso ko’y dumadaing, ngunit walang dumadamay
Sa panaghoy ng puso ko, unan ko lang ang karamay
Sa magdamag na pagluha, ang puso ko’y natutunaw

Bakit kaya ang pagsubok, kung dumating laksa-laksa
Parang kidlat parang kulog, parang bagyo kung dumagsa
Bakit kaya kailangang,sa buhay ko’y manalasa
Bakit kaya kailangan pang, subukin pa ng TADHANA

ni: Letty Manigbas Manalo

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Bonus bebè, inilathala na ang implementing rules

Migreat para sa Filipino Community, inilunsad!