Roma, Abril 28, 2015 – Sa kauna-unahang pagkakataon, ay natunghayan ang kultura ng Pilipinas sa 11th Festival dell'Oriente dito sa Roma. Mula ika-24 hanggang ika-26 ng Abril ang unang tatlong araw ng festival na susundan naman sa ika-30 ng Abril hanggang ika-3 ng Mayo sa Fiera di Roma.
Ani ni Pia Gonzalez, punong tagapangasiwa ng cultural promotion ng Pilipinas para sa festival, “Tinanggap ng komunidad ang partesipasyon una dahil sa masigasig na imbitasyon ng organizers. Ramdam ko ang laki ng tiwala nila sa mga Pilipino sa una naming pag-uusap. Ikalawa, sa kabila ng napaka-ikling panahon ng paghahanda, sa pangunguna ng Enfid-Italy at kolaborasyon ng mga asosasyon at indibidwal sa Roma, panahon na rin para ipakita ang ating kulturang Pilipino at makipagsabayan sa mga bansa sa Silangan. Sa katunayan, binansagan namin ng ‘Bayanihan para sa Festival dell’Oriente’ at nakakatuwa naman na marami ang tumulong at sumuporta”.
Kabilang ang Pilipinas sa iba pang mga bansa sa dakong Silangan gaya ng: India, China, Japan, Thailand, South Korea, Indonesia, Malaysia, Vietnam, Bangladesh, Mongolia, Nepal, Rajasthan, Sri Lanka, Burma, at Tibet.
Mula sa mga cultural shows at exhibitions, mayroon ding mga bazaars, food and trade booths, natural medicines and martial arts exhibitions. Makikita rin na may mga traditional massages, natural theraphies and yoga sa buong tatlong pavilion ng Fiera di Roma.
Sa pakikipagtulungan ng iba't ibang grupo at asosasyong Filipino dito sa Roma ay tulong-tulong nilang itinayo ang isang replica ng Bahay Kubo na simbolo ng payak na pamumuhay sa Pilipinas. May munting hardin na nakapalibot sa kubo at may isang capiz na parol bilang tanda na tanging ang Pilipinas lamang ang nagdiriwang ng pinakamahabang Pasko sa buong mundo. Ang entrada ng booth ay gawa naman sa kahoy at dinekorasyunan ng katutubong salakot at bilao.
Sari-saring mga kagamitan at produktong Filipino ang ngayon ay naka-display sa Philippine booth. Mayroong vest mula sa Mt. Province, pangkaraniwang damit ng isang Igorota, mga katutubong gong, rattan, banig at abaca handwoven bags, mga tela na tipikal sa Benguet, isang pares ng belo at handbag na may details ng lace at abaca, wooden tamaraw at isang sablay na may iskriturang Mangyan. Hindi rin mawawala ang mga Filipiniana at Barong Tagalog.
Unang Araw
Maliban sa mga produktong Pilipino ay mayroon ding HILOT mula sa Mayumi Spa – ang kauna-unahang spa na may serbisyong hilot dito sa Roma. Ayon kay Rosalud dela Rosa, may-ari ng spa, “They (manghihilot) were specially trained in our training center to practice the Filipino massage Hilot.”
Nagpakita naman ng husay sa entablado ang ilang miyembro ng Pinoy Teens Salinlahi sa pagsayaw ng katutubong Binoyugan kung saan sumasayaw ang kababaihan habang may nakaputong na banga sa kanilang ulo at kailangang maiwasan ang pagbagsak nito.
Ikalawang Araw
Lingid sa kaalaman ng marami na may sarili tayong uri ng pagsulat. Kaya naman hindi nakakapagtaka ang pagbuhos ng tao habang si Rene Buenavente ay ipinapakita sa mga manunuod ang pagsusulat ng ating antikong iskritura na tinatawag na Baybayin.
Kasabay nito ang pag-rampa ng mga Ginangs suot ang mga pambansang kasuotan na filipiniana dress.
Ikatlong Araw
Mula sa SAOMA AMA Chapter 1, kanilang namang ipinakita ang Filipino martial arts na kilalang-kilala na rin dito sa Italya. Sa pangunguna ni Maestro Ricky Ascano at ng mga founders ng SAOMA AMA na sina Jeorge Glory, Benedict Manaloto, Enrique Ascano at Arthur Barbado, nag-exhibition ang buong grupo hindi lamang sa harap ng mga bisita ng festival kundi na rin sa iba't ibang martial arts experts ng Silangan. Mano-mano, tungkod, kali at nunchako ang ilan lamang sa kanilang mga ipinakita.
Ang buong grupo ng Pinoy Teens ay nagpasiklab rin sa harap ng audience. Sa pangunguna ng presidente ng grupo na si Lina Santos at choreographer na si Annie Montes, kanilang sinayaw ang mga katutubong sayaw gaya ng Binoyugan, Sakuting, Subli at Tinikling. Matatandaan na ang mga kabataang ito ay mga second generation Filipino youth dito sa Roma na tinuturuan ng mga katutubong sayaw upang hindi makalimutan ng mga susunod na henerasyon.
Sa katunayan, isang Italyano habang pumapalakpak ang buong hangang nagsabing “BRAVISSIMI, questi ragazzi sono bravissimi eh.”
Maliban sa Philippine booth, isang Italyano ang kapansin pansin na may mga ibinebentang produktong Pinoy. Siya si Massimiliano Trombetta.
Mula sa kaniyang mga Filipino at Italyanong kaibigan sa Pilipinas, naengganyo si Massimiliano na mag-import ng ilang produktong galing sa Pilipinas. “Sono stato nelle Filippine e ho tanti amici filippini e italiani che mi danno queste cose da provare a vendere. Alla fine ho deciso di venderlo è sono contento.”
Ani niya, 20 taon na siyang nag-import ng tawas at mismong sya rin ay gumagamit nito. Dahil sa all-natural na deodorant ang tawas, hindi nakakapagtakang pati mga Italyano ay gumagamit nito.“Da 20 anni che faccio l'importo di tawas è l'uso pure io!”, kwento pa ni Massimiliano.
Sa taong ito, hindi lamang tawas at pietra fumice ang makikita sa kanyang booth. Sari-saring kahoy na espada mula sa Paete, Laguna at Pampanga ang makikitang nakadisplay sa mismong harapan. Nagmamalaking inisa isa niyang pinangalanan ang iba't ibang klase ng espada na kanyang ibinebenta mula sa Pilipinas. Gulok, itak, bolo, punyal at balaraw ang ilan lamang sa kanyang mga binanggit. Mayroon din siyang balisong, chako, at arnis.
“Kasama ang buong komunidad, patuloy po ang aming paanyaya sa ating mga kababayan na tunghayan at puntahan ang Festival dell’Oriente kung saan matatagpuan ang iba't ibang kultura ng mga bansa sa Silangan, lalong higit ang ating pinakamamahal na “Perlas ng Silangan”, pagtatapos ni Pia Gonzalez.
ulat ni: Jacke de Vega