Inilathala na ng Inps ang pamamaraan sa pagtanggap ng tulong pinansyal. Aplikasyon online, sa telepono o sa pamamagitan ng mga patronati.
Rome – May 11, 2015 – Matapos ang matagal na paghihintay ay narito na sa wakas ang kilalang bonus bebè. Simula ngayong araw na ito, Mayo 11, ang sinumang biniyayaan ng isang sanggol sa taong 2015 ay maaaring humingi sa estado ng tulong pinansyal hanggang 160 euros kada buwan. At kabilang sa mga benepisyaryo ang maraming pamilya ng mga imigrante .
Ang bonus ay itinalaga ng legge di stabilità na inaprubahan noong nakaraang Disyembre, ngunit kalahatian lamang ng Abril lumabas ang regulasyon at ilang araw pa lamang ang nakakalipas matapos magpalabas ang Inps ng isang circular kung saan matatagpuan ang kabuuang detalye sa pag-aaplay nito.
Ang bonus ay nakalaan para sa mga pamilya kung saan ay isinilang o inampon ang isang sanggol mula sa Enero 1, 2015 at may ISEE o economic situation indicator hanggang € 25,000. Sa loob ng tatlong taon matapos ang kapanganakan o pag-aampon ang mga pamilya ay bibigyan ng buwanang allowance na € 80, at maaaring umabot hanggang € 160 kung ang ISEE ay hindi lalampas sa €7000.
Maaaring mag-aplay ng bonus bebè ang mga magulang na Italyano, EU nationals at mga non-EU nationals sa ilang partikular na sitwasyon lamang. Sa katunayan, sa kabila ng Batas ng Europa, ang Italya ay nag-pasyang ibigay lamang ang tulong pinansyal sa mga mayroong ‘carta di soggiorno’ at mga dayuhang mayroong asylum at international protection status.
Paano mag-aplay?
May tatlong posibilidad:
- lumapit sa mga authorized office o patronati (kung saan ginagawa ang ISEE)
- tumawag sa INPS contact center 803,164 mula landline at 06/164164 mula sa mga mobile gawin ang lahat online sa pamamagitan ng website www.inps.it.
- Para sa mga application online ay kailangan ang PIN buhat sa Inps. Narito ang mga simpleng hakbang na dapat gawin: www.inps.it > Servizi per il cittadino -> Autenticazione con PIN > Invio domande di prestazioni a sostegno del reddito> Assegno di natalità – Bonus bebè.
Kailan maaaring mag-aplay?
Sa loob ng 90 araw mula sa kapanganakan o pag-aampon, ngunit dahil sa pagkaantala sa paglalathala ng regulasyon, para sa mga sanggol na ipinanganak o inampon sa pagitan ng petsang Enero 1 at Abril 27, 2015 ay binigyan ng panahon hanggang Hulyo 27, 2015. Hindi maibibigay ang buong bonus ngunit matatanggap naman ang bonus para sa mga susunod na buwan matapos ang pagsusumite ng aplikasyon.
Mga dapat malaman ukol sa PIN ng Inps