Rimini, Mayo 18, 2015 – Matagumpay ang ginanap na 2nd President’s Cup 2015 – One day Basketball League– nitong Abril sa Rimini, Italy. Ito ay pinangunahan ng FCRC – Filipino Community Romagna Chapter sa ilalim ng pamumuno ng presidente ng Filipino Community in Romagna Chapter at Founding President ng Federation of Filipino Communities in Emilia Romagna and Marche na si Max Mercado, sa tulong ng kanyang maybahay na si Rengee Mercado at ng lahat ng opisyales ng FCRC.
Ang nabanggit na pagtitipon ay dinaluhan ng higit sa 200 bisita na karamihan ay nagbuhat pa sa mga iba’t ibang probinsya ng Emilia Romagna at Marche.
Bukod sa hubugin sa sports ang mga dumalo, layunin din ng pagdiriwang na bigkisin sa pagkakaisa at hikayatin ang lahat na magkaroon ng isang malusog na kalusugan. Sa katunayan, kasabay ng pagtitipon ay naganap din ang medical mission sa pamamagitan ng The Pilipino Nurses Association of Milan (TPNAM) kaagapay ang Tau Gamma Milan Chapter , salamat sa tulong ng OWWA at Milan Consulate. Dahil dito, marami sa mga bisita ng pagdiriwang ang nabigyan ng libreng health assistance.
Anim na kupon ang naglaban-laban: Simpatikos – Rimini, Ravenna- Heaters, Jil- Forli, Cesena-Blue, Pesaro at Ancona. Tinanghal na kampeon ang Cesena Blues at pumangalawa naman ang Ancona.
Lubos ang pasasalamat ng mga organizers sa sumuporta at naging bahagi ng pagdiriwang. Kasabay nito ang isang paanyaya sa susunod na palaro, ang 3rd FCRC Summer League: Basketball, Volleyball Men at Volleyball Women sa darating na Hunyo.
Samantala, sa nalalapit na ikatlong bahagi ng taon naman ay ang taunang Consular Mobile Services sa pakikipag tulungan ng Consulate General Milan.