Pumangatlo ang "My Promise" ni Alfonso Orioste Jr sa ginanap na "SHORT FOOD MOVIE” contest ng United Nations food program sa EXPO 2015.
Milan, Mayo 26, 2015 – Animnapu’t isang (61) bansa ang nagsumite at tinatayang mahigit 800 movie clips na may kinalaman sa tema ng kasalukuyang EXPO 2015 sa Milan, Italy “Feed the Earth, Energy for Life”.
Isa ang Pilipinas na nakakuha ng maraming boto world wide sa pamamagitan ng pagpapanood sa mga video clips ng mga contestants online.
Nanguna dito ang “BACK TO FOOD” ni Michael Donatone (Italy), pumangalawa ang “COL CIBO NON SI SCHERZA” nina Francesco Fanuele at Gianluca Santoni (Italy) at pumangatlo ang “MY PROMISE” ni Alfonso Orioste Jr, 25 taon gulang (Philippines), at para naman sa kategoryang “FOOD AND WELLNESS napili ang “MELA” ni Federica Tantardini (Switzerland).
Ayon kay Orioste, sa kanyang paghahanap ng trabaho ay nakita niya itong online contest, partikular sa website ng United Nations Food Program at Expo Milano 2015.
Hindi nag-atubuli at sinubukan niyang lumahok sa naturang online Short Food Movie contest.
Bilang isang hobbyist videographer ay nagtungo sa Bulacan, partikular sa Hagonoy, kung saan niya nakita ang mga bukirin at mga fishpond. At doon niya isinagawa ang maikling video clip sa pamamagitan ng mga magsasaka at mga mangingisda.
“Sinubukan ko din magtanim at mangisda kasama ang mga mangagawa doon at nakita ko kung gaano kahirap ang kanilang trabaho” wika ng direktor.
Dagdag pa niya, nangako rin siya sa mga magsasaka at mangingisda na pipilitin niyang ipakita sa buong mundo ang kahalagahan ng ating kalikasan.
Sa pamagat ng kanyang award winning video clip na “MY PROMISE” na mahigit kumulang na isang minuto, hinihikayat niya ang lahat ng mga manonood sa buong mundo na makiisa na proteksyunan ang kapaligiran at ang kalikasan, kasabay nito ang pagbibigay halaga sa mga magsasaka at mangingisda.
Buwan ng November 2014 ng maisumite nito ang video clip sa Fondazione Cinema per Roma at na syang magpapadala naman ng video clip sa website ng United Nations.
At sa pamamagitan nang nasabing foundation at sa tulong ng isang batikang Italian Film maker na si Ferzan Ozpetek, ay kinumpirma ang tatlong nanalong mga video clips.
“Blessing ito galing kay Lord, kasi after learning na nakapasa ako sa bar exams, napili ang aking video clip” masayang kwento ng bagong abogado sa Ako ay Pilipino.
Samantala, masaya rin sa pagkapanalo ng kanyang anak, si Lilia Orioste, ina ng nanalong director at isa umanong malaking karangalan ito.
Pareho ang saloobin ng mag-ina: ang pagbibigay halaga sa mga magsasaka at mangingisda.
“Inoobersabahan ko lahat yan, kahit sa waste segregation at nakikita natin ang epekto nito kapag hindi natin pinagkaisahan ito…… pero now a days, I know, magkaisa at magtulong-tulong lang…. only 1 can make a difference, marami na ang susunod” wika ng proud mother ni Alfonso Jr.
Sinabi pa ni Orioste Jr. na tungkulin ng bawat isa na alagaan ang kapaligiran. At pati pagkain aniya, ang mga nakahain sa hapagkainan ay kailangang ubusin at huwag sayangin.
“Unang una nagpapasalamat ako sa ating Panginoon dahil napakalaking pribiliheyo, isa itong napakalaking oportunidad na maipahayag ang mensahe bilang isang Pilipino, sa buong mundo na pahalagaan ang ating pagkain”, ang mensahe ni Orioste sa kanyang pagwawakas.
Bilang award na natanggap ni Alfonso Orioste Jr mula sa organizers ng online video contest ay binigyan siya ng pagkakataon na makarating sa Milan, Italy at kasama ang kanyang ina, girlfriend at tiyahin.
Samanata, patuloy namang ipalalabas ang kanyang video clip, sa pavilion zero sa EXPO MILANO 2015, hanggang sa magsara ito ng October 31,2015.
ni: Chet de Castro Valencia
larawan nina: Jesica Bautista at Laurence Omana