Milan, Agosto 17, 2015 – Pasok na naman ang bansang Italya sa world record na pinakamahabang stringed fresh chili pepper sa buong mundo.
Ang fresh chili pepper o ang siling labuyo ay mula pa sa isang malaking taniman ng mga ‘peperoncino’ sa rehiyong Calabria sa katimugang bahagi ng bansang Italya.
Taon 2010 nang unang nakagawa ang mga Italyano ng stringed chili pepper na umabot ng mahigit 150 meters.
At halos doble ang naging haba ng nasabing stringed pepper ngayong taon na sinukat sa loob mismo ng Expo site sa Milan.
Umabot ito ng 304 meters at may mahigit 30,000 fresh chili pepper.
Pinagtulung-tulungan ng mga bata, matanda at maraming boluntaryo para unatin ang mga nakatahing sili para sukatin ng mga organisers ang haba nito.
Umabot pa lang ng mahigit 150 meters habang sinusukat ito ay tuwang tuwa na ang mga tiga-Calabria maging ang publiko sa pavilion ng Italy dahil nalagpasan na nila ang dating world record limang taon ng nakakalipas.
“I am the king of the peperoncino and this is the 1st time in the world and we made it here in the Expo” ayon kay Gianni Pellegrino na nagmula pa sa rehiyon ng Calabria.
Pagkatapos makumpirma ang haba ng stringed chili pepper ay ipinarada ito sa malaking bahagi sa loob ng Expo site upang ipakita sa publiko na may bago na namang naitala sa world record ang bansang Italya.
Pagkatapos nito isang traditional Calabrian folk songs ang inihandog bilang pasasalamat sa kanilang matagumpay na layunin.
Nagkaroon na din ng world record ang pinakamahabang stringed chili pepper na umabot mahigit 1,395meters subalit ito naman ay ang normal na laki ng mga bell pepper na naganap noong taon 2008 sa bansang South Korea.
Sa buwan ng September ng taong kasalukuyan ay gaganapin ang peperoncino festival ng Calabria na kung tawagin “DIAMANTE”. Ito ay mag-uumpisa mula September 9 hanggang 13, at doon makikita ang iba’t ibang klaseng peperoncino na produkto sa nasabing rehiyon. Magkakaroon rin ng mga cultural presentations, exhibits, games at free market kung saan makakaranas at makakatikim ang mga dadalo ng pinaka maanghang na sili sa chili region ng Calabria.
ulat ni Chet de Castro Valencia
larawan ni Jesica Bautista