Ginanap ang Global day of Prayer for Peace and Victory in the West Philippine Sea sa Roma kamakailan, sa pangunguna ng BWPS o Bantay West Philippine Sea, Roma.
Roma, Septiyembre 2, 2015 – Sa pamamagitan ng pagdiriwang ng banal na misa ay nakiisa ang mga Pilipino sa Roma sa ginanap na Global Day of Prayer for Peace & Victory in the West Philippine Sea. Ginanap ito noong Linggo, Aug 30 sa Parocchia Crocifisso kung saan dumalo ang tinatayang higit sa 50 katao.
Pinangunahan ang nasabing pandaigdigang panalangin ng BWPS o Bantay West Philippine Sea, ang natatanging aktibong grupo sa Italya na layuning pagkaisahin ang mga Pilipino sa Roma at sa buong bansa sa pagtatanggol sa West Philippine Sea.
Bagaman ito ay naunang idinaos, dahil sa Pilipinas ang Global Day of Prayer ay ginanap noong Lunes kasabay ng pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Bayani, ay puno ng pananampalataya’t sama-samang nanalangin ang sambayan, kasabay ng pagsisindi ng mga kandila sa pananalangin. Sinundan ito ng makabagbag damdaming pag-awit ng “Pilipinas Kong Mahal”.
“Sa tumitinding tensyon sa West Philippine Sea – ayon kay Monsignor Jerry Bitoon, ang isa sa mga founder ng BWPS – ay muling bumabaling ang sambayanang Pilipino sa bisa ng panalangin. Kung ang Diyos ay nasa piling natin, sinong lalaban sa atin? (Rom 8:32). Ang makapangyarihang salita ng Panginoong Jesus na nagpahupa sa alon at nagpatahimik sa hangin ang sya ring magbibigay kapayapaan at tagumpay”.
Ang Global Day of Prayer for Peace & Victory in the West Philippine Sea sa buong mundo ay inisyatiba ng MARCHA o Movement & Alliance to Resist China’s Agrression na patuloy na nag-aanyaya sa bawat Pilipino na manalangin upang tuluyang makamit ang kapayapaan sa West Philippine Sea, ang tagumpay ng Pilipinas sa UNCLOS Arbitration at ang katapangan para sa nga Pilipinong naninirahan sa Kalayaan Island Group at mga naninirahan malapit sa Bajo de Masinloc.
MGA PROYEKTO NG BANTAY WEST PHILIPPINE SEA – Rome
Kaugnay nito, inilunsad kasabay ng pandaigdigang panalangin ang susunod na proyekto ng BWPS. Ito ay tinawag na ‘Unang Hakbang sa Eco-Tourism’.
“Ito ay sumasaklaw sa pag-aampon o pag-adopt sa Lawak Island”, ayon kay Mher Alfonso, isa sa founder ng BWPS.
Ang Lawak island, (Nansha ang international name) ay matatagpuan 98 miles sa Silangan ng Pag-asa Island. Ito ay bird sanctuary ng Kalayaan. Mayroon mga sundalong Pilipino na nagbabantay dito. May balon ang nasabing isla subalit hindi ito maaaring inumin. Kung kaya’t sa pamamagitan ni Mayor Eugenio B. Bitoonon Jr. ay iminungkahi ang proyekto ng Solar Water Desalination.
“Ang pagsasakatuparan ng Water Desalination sa pamamagitan ng solar panel ay ang magiging daan sa pagkakaroon ng potable water. Ito ay magiging sahuran rin ng tubig ulan. Ang proyekto ay maaring magtagal ng dalawang taon”, paalala ni Mher.
“Makakapagtanim na rin ng sari-saring gulay para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Makikinabang din ang mga nasa Patag island, dahil ito ay kalapit lamang ng Lawak”, dagdag pa ni Mher.
Sa kabilang banda, patuloy ang pag-aanyaya ng mga kasapi ng BWPS na suportahan ang dalawang pangunahing proyekto ng grupo ukol sa West Philippine Sea. Una na rito ang pakikiisa sa Global Day of Protest Against China o taunang Kilos Protesta na ginagawa tuwing buwan ng Hulyo. Ito ay taunang dinadaluhan at sinusuportahan ng lahat ng mga asosasyong aktibo sa komunidad at kasalukuyang nasa ika-apat na taon na.
Ang ikalawa naman ay ang pangangalap ng pirma para sa Bukas na Liham-Kahilingan kung saan hinihingi ng BWPS ang pagkilos ng Kongreso (an act of Congress) sa pagbabalangkas ng isang BATAS upang lumikha ng isang uri ng awtoridad na tahasan at ganap na mamamahala, magpapatakbo, magpapayabong ng ganap na potensyal ng West Philippine Sea, lakip nito ang sapat na budget upang maisakatuparan ang magiging atas ng WEST PHILIPPINE SEA AUTHORITY na syang maglalatag ng 2020 VISION. Ibig sabihin nito, ang Taon 2020 ay dapat maging WEST PHILIPPINE SEA YEAR na kung saan, malayang pupunta ang mga kababayan natin sa ating mga isla, reefs at shoals upang mamasyal at mag-aliw, damahin ang simoy ng malinis na hangin ng karagatan, maglangoy kasama ng mga naggagandahang isda, panoorin ang mga ibang kulay at maririkit na mga corals at marine life, na walang pangamba.
What is Bantay West Philippine Sea
Bukas na Liham-Kahilingan mula sa Bantay West Philippine Sea Roma, Italia