Hindi sapat ang mga mababaw na paliwanag ng BOC! Sa isang Bukas na liham ng mga Filipino communities sa Roma, cultural associations, civic organizations, media, labor unions at mga indibidwal ay tahasang ipina-aabot sa mga kinauukulan partikular ang apat na puntos kung saan hinihingi ang mabilisang aksyon.
Roma, Septiyembre 4, 2015 – Bukas na liham ang tugon ng mga Pilipino sa Roma kaugnay ng mainit na usapin sa Balikbayan boxes.
Ito ay matapos kumalat ang balita ukol sa plano ng Bureau of Customs na higpitan ang pagsusuri sa mga ipinapadalang balikbayan box ng mga Ofws. Bukod pa sa planong pagpapalabas ng bagong patakaran ng BOC sa Oktubre kasama na rito ang posibleng dagdag na buwis sa nilalaman ng mga ito. Ayon naman sa paliwanag ng BoC, ang mga balikbayan boxes ay nagagamit umano ng ilan para makapagpuslit ng mga kontrabando at makaiwas sa pagbabayad sa buwis.
At dahil hindi sapat ang mga mababaw na paliwanag ng BOC, sa naturang liham ng mga Filipino communities sa Roma, cultural associations, civic organizations, media, labor unions at mga indibidwal ay tahasang ipina-aabot sa mga kinauukulan partikular ang apat na puntos kung saan hinihingi ang mabilisang aksyon:
1. Pigilin ang pagpapataw ng karagdagang buwis sa mga balikbayan containers na magiging sanhi ng karagdagang pasanin sa presyo ng balikbayan boxes na pribiliheyo ng mga Ofws bilang “tax and duty free”.
2. Itigil ang “Tara” system” na pangunahing sanhi ng korupsyon sa BOC.
3. Pagrerebisa at paga-amyemda sa existing taxable ceiling mula P 10,000 sa P 90,000 bawat balikbayan box batay sa kasalukuyang cost of living, economic standard at inflation rate.
4. Pagbibitiw sa posisyon ni Albert Lina dahil sa ‘conflict of interest” at paglilinis mula sa hanay ng pamunuan hanggang sa mga empleyado ng BOC.
Matatandaang ang BBB o Bukas Balikbayan Boxes operation ng BOC sa ginagawang random check ay nakaantig sa damdamin ng tinatayang 11 million OFs sa buong mundo. Sanhi ng pag-ani nito ng maraming reklamo at batikos.
Bagaman agad itong pinawalang bisa ng Pangulo makalipas ang ilang araw, hindi sapat ang anumang paumanhin upang malimutan ng bawat Ofws kung paano napaglaruan ang kanilang damdamin at emosyon.
Hanggang sa kasalukuyan ay inilalabas pa rin ng maraming Ofws ang kanilang saloobing puno ng galit sa ganid na pagpapatakbo at pamamahala ng BOC tulad sa social media. Ano pa ang hinihintay mo Kabayan? Tinatayang aabot sa 190,000 ang mga Pilipinong naninirahan sa Italya. At ang ating iisang hangaring umunlad ang ating bayan ay magsisimula NGAYON, sa iyong pagpirma sa petisyong ito!