Dalawang public announcements ng Ministry of Education para sa mga anak ng mga migrante at mga non-accompanied minors. Isang handbook na mayroong mga rekomendasyon ang ipinamahagi.
Roma, Setyembre 10, 2015 – Isang milyon upang higit na mapabuti ang integrasyon at ang pagtanggap sa mga mag-aaral na ‘dayuhan’ sa mga paaralan. Isang tulong para sa higit sa 800,000 anak ng mga migrante, mga kabataan na kalahati ng bilang ay ipinanganak sa Italya.
Dalawang public competitions ng Ministry of Education ang naglaan ng pondo, kung saan ang mga paaralan ay maaaring lumahok sa pamamagitan ng pagsusumite ng aplikasyon hanggang Oct 15 ngayong taon.
Partikular, € 500,000 ang inilaan sa pagpapalalim ng pagtuturo ng wikang italyano bilang ikalawang wika.
Ang halagang nabanggit ay gagamitin lalong higit sa pag-oorganisa ng mga kurso at workshops na nasasaad sa reporma ng edukasyon, na mahalaga, partikular para sa mga kabataang kadarating lamang ng Italya, sa pagsunod sa kanilang mga magulang o sa pamamagitan ng family reunification. Ang mga workshops ay gagawin sa school hours o bilang extracurricular kung saan maaaring makalahok din ang mga pamilya. Ang mga nabanggit na workshops ay ihahanda ng mga paaralan o ng mga network nito.
“Ang wika ay ang pasaporte ng komunikasyon at integrasyon, dahilan ng aming pagbibigay ng pondo na magpapahintulot makapagbigay tugon sa lumalaking bilang ng anak ng mga migrante na sa kasalukuyan ay kumakatawan sa 9% ng populasyon sa paaralan”, ayon kay Minister of Education Stefania Giannini.
“Sa Buona Scuola ay aming isinama sa mga prayoridad ng educational training ang pagtuturo hanggang maging perpekto ang wikang italyano bilang ikalawang wika dahil ang paaralan ay ang pinaka-angkop na lugar upang maging ganap na mamamayan”.
Ang ikalawang public announcement naman ay nakalaan, sa unang pagkakataon, para sa mga shelter projects at linguistic and psychological support projects para sa mga non-accompanied minors. Ang mga ito ay maisasakatuparan sa pakikipagtulungan ng mga shelter structures na nangangalaga sa mga kabataang ito.
Ang mga non-accompanied minors, ayon kay Giannini, “ay isang bago at tumitinding reyalidad lalong higit sa nakaraang dalawang taon. Karamihan ng mga kaso, edad mula 14 hanggang 17 anyos ay buhat sa mga trawmatiko at di pangkariwang karanasan na patuloy na pinag-uusapan sa araw-araw”.
Bilang pagwawakas, ang Ministry ay nagpadala sa mga paaralan ng handbook “Diverso sa chi?” na ginawa ng National Observatory for Integration and Interculture, noong nakaraang taon. Ito ay ukol sa mga pinakamahuhusay na karanasan ng ilang paaralan, na nagtataglay ng sampung (10) rekomendasyon at mga panukala para sa mas epektibo at tamang organisasyon ng pagtanggap at integrasyon ng mga mag-aaral na walang italian citizenship.