in

Mga Pinoy sa Roma nabiktima ng Ticket Scam

Marami na ang nag-denuncia (blotter) sa pulis at handang magsampa ng kaso. Ang ilan ay nakapag-sampa na ng kaso. Hustisya ang sigaw ng mga biktima!

 

Roma, Setyembre 10, 2015 – Maraming mga Pilipino sa Roma ang nabiktima ng isang ticket scam.

Ayon sa mga biktima na dumulog sa Tanggol Migrante, isang nagngangalang Daisy ang tinutukoy na diumano’y ahente ng isang travel agency sa zona ng Pzza.Vittorio.

Ang modus ng nasabing ahente ay magbenta ng mga plane tickets na sadya namang mababa ang presyo kumpara sa mga ibang ahensya. Dahil sa mas mura ang bentang Plane ticket ay dagsa sa kanya ang mga pasahero. Matapos ang booking ay mabilis na nagbabayad ang mga pasahero kapalit ng isang simpleng resibo o mga reserbasyon sa mga nais na airline ng pasahero.

Noong una ay maganda naman ang sistema dahil may mga nakaka-uwi sa Pinas at nakakabalik ng maayos. Pero nang dumating ang buwan ng Hulyo ay nagsimula ng mag ka-aberya sa pagpapa-alis si Daisy”, ayon sa isang biktima.

Sa katunayan, mayroong mga pasahero na naka-alis sa mga buwang bago mag Hulyo ngunit marami nang hindi makakabalik sa Roma dahil kanselado ang kanilang mga flight pabalik, kaya napipilitang maglabas ng panibagong halaga ng pamasahe ang mga kawawang pasahero makabalik lamang sa Roma.

Marami ring pasahero ang nakadiskubre na kanselado ang lipad sa oras na lamang mismo ng kanilang flight.

Maging ang ibang pasahero na lilipad pa lamang sa mga buwan ng Agosto hanggang Disyembre ay nawala na rin ang reserbasyon sa mga airline na napili.

Ayon pa sa Tanggol Migrante, mas mapait ang dinanas ng isang pinay na emergency ang uwi dahil sumakabilang buhay ang magulang. Agad umanong siningil para maka-alis agad subalit natuklasan ng pinay na hindi siya makaka-uwi dahil natuklasan sa airport mismo na hindi nakalista ang kanyang pangalan sa mga pasaherong makaka-uwi sa Pilipinas.

Ang mga pasaherong magsisi-uwi sana sa mga buwan ng Setyembre hanggang Disyembre ay hindi na rin makita ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga pasaherong naka reserved on-line, lahat ay kanselado na!

Marami na ang mga nag-denuncia (blotter) sa pulis at handang magsampa ng kaso laban kay Daisy. May ilang nakapag-sampa na ng kaso.

Sa ngayon ay mahirap ng mahagilap si Daisy, yung ibang nakaka-kontak sa kanya ay pinangangakuan lang na ibabalik ang kanilang pera”, ayon pa sa kwento ng isang na-biktima rin ni Daisy.

Lubhang masakit ang sinapit ng mga kababayan natin, mga kapwa natin migrante. Alam natin na hindi lahat ng pamasaheng ibinayad ng mga pasahero ay ipon, ang iba ay hiniram lamang sa amo o sa kamag-anak o kaibigan. Maraming katanungan ang iniwang bakas ng paglaho ni Daisy: Paano kung walang magagamit na pera para bumili ulit ng panibagong ticket? Paano kung sa hindi nila agad pagbalik ay magkaproblema sa amo at mawalan ng trabaho? Paano na ang perang nawala na parang bula tulad ni Daisy? Lalo na sa panahong lubhang mahirap kumita tulad ngayon, tapos sa bandang huli ang pinaghirapang pera ay magiging bato pa dahil sa mga nilalang na tulad ni Daisy.

Hustisya ang sigaw ng mga biktima!

ni: Egay Bonzon

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

T’boli dream weavers sa Milan

Mga chikiting, lumahok sa National Day ng Bolivarian Republic of Venezuela sa Expo