Mga susog sa panukala buhat sa mga promoters ng l’Italia sono anch’Io. “Bagong batas para rin sa mga may edad na”.
Roma, Setyembre 16, 2015 – Isang mahalagang hakbang na ang panukala sa reporma ng pagkamamamayan para sa ikalawang henerasyon ay nasa pagsusuri na ng Commission on Constitutional Affairs ng Kamara. At upang maging ganap na italyano ang mga anak ng mga imigrante, ito ay nangangailangan pa rin ng ilang susog.
Ang mga pagbabagong ito ay inilatag ng promoters ng kampanyang l’Italia sono anch’Io, na nakapangalap ng 200,000 na pirma buhat sa mga Italyano sa pamamagitan ng higit na mas malawak na panukalang batas (tumutukoy din sa mga may edad na) na syang nag-udyok sa Parliyamento.
Una sa lahat, isinulat ni Nazzarena Zorzella (ASGI) sa pinakabagong isyu ng Arcireport, ang requirement ng “regular at tuluy-tuloy na pagiging residente” ng mga magulang (hindi bababa sa limang taon), ay dapat palitan ng “regular na paninirahan”. Dahil kung isasaalang-alang ang pagkakatala sa munisipyo sa halip na permit to stay ay maaaring maging hadlang ang pagkukulang o paghihirap ng mga magulang sa sitwasyon ng mga anak.
Iminumungkahi ang “obligasyon ng pagbibigay ng impormasyon ng mga opisyales ng civil status sa ilang piling kaso, para sa kaalaman at epektibong pagpapatupad ng karapatan”. Iminumungkahi rin na tanggalin ang requirement ng paninirahan ng menor de edad na anak na mag-aaplay ng citizenship kasama ang magulang dahil apektado nito ang mga anak na hiwalay ang magulang at palitan ito ng “hindi tinanggalan ng parental responsibility”.
Bukod sa mga nabanggit, iminumungkahi rin ng l’Italia sono anch’Io ang pagkakaroon ng batas ukol sa mga kabataang may kapansanan na benepisyaryo ng tulong ng gobyerno, na sa kasalukuyan ay pinagkakaitan ng karapatang magkaroon ng citizenship dahil sa kawalan ng kapasidad ipahayag ang pagnanais at panunumpa. Isang malubhang diskriminasyon, ayon sa isinulat ni Zorzella.
At mahalaga ring maisalba, sa pamamgitan ng interim rules, ang “mga nagtataglay ng requirements na nasasaad sa bagong batas mula kapanganakan at sumapit sa ika-19 na taong gulang bago ang pagpapatupad ng batas”. Ang kasalukuyang teksto ay tila nalimutan ang mga ito at nanganganib na hindi na maging ganap na mga Italyano dahil sa kanilang pagkakaroon ng higit na edad.
At sa pagwawakas, ang l’Italia sono anch’Io ay muling nagtanong para sa mga may edad na, ukol sa batas ng naturalization. “Ang Parliyamento ay dapat gumawa ng mga hakbang upang baguhin ang batas sa pagkamamamayan, at gawin itong angkop sa bagong social composition na binubuo rin ng mga dayuhang mamamayan na regular na naninirahan sa Italya (na higit sa kalahati ng bilang ay mga long-trm residents)”.