Ako ay kasalukuyang walang trabaho at mayroong permesso di soggiorno per attesa occupazione. Maaari ko bang magamit ito sa trabaho sa ibang bansa sa Europa?
Roma, Setyembre 17, 2015 – Ang permesso di soggiorno per attesa occupazione ay ibinibigay sa mga mamamayang dayuhan na dating may trabaho, nawalan at naghahanap muli ng trabaho. Ito ay balido ng isang (1) taon at maaaring i-convert sa permesso di soggiorno per lavoro kung muling magkaka-trabaho.
Tulad ng lahat ng uri ng permit to stay, maging ang attesa occupazione ay nagpapahintulot na malayang makapag-biyahe at makapag-bakasyon mula Italya, sa Pilipinas at sa lahat ng Schengen countries: Belgium; France;Germany; Luxembourg; Netherlands; Portugal;Spain; Austria; Greece; Denmark; Finland; Sweden; Iceland; Norway; Slovenia; Estonia; Latvia; Lithuania; Poland; Czech Republic; Slovakia; Hungary; Malta; Switzerland; Liechtenstein.
Ngunit ang free circulation, ay malaki ang pagkakaiba mula sa malayang paglipat sa isa sa mga bansang nabanggit. Ang Italian permit to stay, kabilang ang attesa occupazione, sa katunayan, ay nagpapahintulot lamang na maging turista, hanggang tatlong (3) buwan, ngunit ito ay hindi nagpapahintulot makapag-trabaho sa ibang Schengen countries.
Ito ay nangangahulugan na kung ang isang walang trabahong imigrante ay nais magpunta at mag-trabaho sa ibang bansa sa Europa tulad ng Germany, ay kailangang sundin ang lahat ng pamamaraang hinihingi ng batas sa imigrasyon sa Germany para sa mga dayuhang buhat sa ibang bansa. At samakatwid ay kailangang mag-aplay ng entry visa sa Germany at pagdating doon ay kailangang mag-aplay ng German permit to stay.