in

Ang paboritong Nutella

Ang kwento pong ito ay walang katotohanan at kathang-isip lamang at nais magbigay-aliw sa mga mambabasa.

 

Lumuluha si Marlyn habang marahan niyang inilalagay ang malaking bote ng Nutella sa loob ng balikbayan box. Punong puno ito ng mga mamahaling damit, sapatos at mga laruang pambabae. Subalit Nutella lamang ang tanging hiling ni Elma. Iyon din ang huling hiling ni Renato bago ito bawian ng buhay.

Hoy tama na iyan at pumasok ka na wala nang araw ah” ang sigaw ni Marlyn buhat sa bintana ng marangyang villa.

Konti na lamang at tapos na ito” ang sagot ni Renato habang naninimbang ito sa ibabaw ng mataas na hagdan at ginugupitan ang mga Laurel na silbing bakod ng tahanan ng kanilang mga amo.

Sampung taon na silang naninilbihan sa pamilya ng isang sikat na football player ng Roma. Malaki man ang suweldo ng dalawa ay malaki din ang trabaho at mga gawain upang maabot ang maselang kalinisan ng babaeng amo. Kahit na dalawa lamang sila at wala silang anak ay halos linggo- linggo naman kung magpa-fiesta ang mag-asawang amo sa malawak na hardin at kabahayan ng mga ito.

Ang sarap mo talagang magluto ng adobong baboy”, magiliw na pinuri ng hardinero ang luto ng katulong. “ Halika at sabay na tayong maghapunan” dugtong pa nito.

Alam mo naman na maselan ang amo nating babae, maamoy lang niya ang lutong pinoy sa katawan ko ay nagagalit iyon” paliwanag ni Marlyn . “Kaya bumaba ka na at nang malinis ko na ang kusina.” Ang masuyong utos ng katulong sa hardinero habang hinihila ito patungo sa basement kung saan naroon ang kuwarto ng lalaki.

Ti amo” ang bulong ni Renato habang masuyong niyakap si Marlyn. “Non mi dire. Sono solo una surrogata e non aspetto questa parola” ang seryosong sagot ni Marlyn. Bagaman may damdamin din ang dalaga ay pilit nitong itinatago kay Renato. Surrogate wife daw siya ng hardinero kaya niya ito inaalagan ng husto. Ipinagluluto ng masasarap na pagkain at inaayos ang mga damit. Alam ni Marlyn na may pamilya sa Pilipinas si Renato. May pagtingin siya sa hardinero subalit pilit nitong itinatago ang damdamin. May nangyayari man sa kanila ay ayaw aminin ni Marlyn ang damdamin sa puso nito at pilit nitong ikinukubli sa pagsasabing surrogate wife lang daw siya.

Kriiiinngg Kriiing!! Saglit na naputol ang pagbabalik ala-ala ni Marlyn nang biglang tumunog ang doorbell. Nasa labas ng villa ang pick-up boy ng cargong suki nila. Mabilis na pinapasok ni Marlyn ang kapwa pilipinong kargador at pinagtulungan nilang isara ang balikbayan box. “Mam sigurado pong walang electronic gadgets at mga taxable items diyan ha nakita nyo siguro sa Facebook ang mga kaguluhan sa Customs sa atin. Hindi lang nila alam ang hirap ng buhay natin dito, nagtitipid lang para makaipon at makabili ng mga gamit at pasalubong tapos tayo pang mga ofws ang hahabulin nila at hihingan pa ng tax kahit na pinaglumaang mga bags at sapatos ng amo ang kanilang hihingan pa ng buwis tapos mga delata na padala natin dedekwatin pa nila! E bakit hindi yung malalaking smugglers ang hulihin nila bakit tayong mga naghihirap ang pinupuntirya nila Sila ang mga buwaya ng lipunan na sumasakal sa ating ekonomiya . Kung maayos sana ang Customs natin eh di sana marami nang mga dayuhan na nag-invest sa atin. Tapos ang ating balikbayan box ang pag iinitan at lalapatan ng tax eh noon pang si lakay Marcos ang nagsabing duty free na tax free pa ang mga kahon nating mga bagong bayani mukhang nalimutan ng bagong hepe ng Customs”, ang utos ni Lakay. Walang tigil ang reklamo ng kargador subalit walang kasing sipag naman itong isinasara at binabalot ng masking tape ang kahon ni Marlyn. “Mam anong isusulat natin sa packing list? Pagtatapos na tanong ng pawisang kargador.

Personal effects lang talaga iyan: damit, sapatos, laruan at dalawang boteng Nutella na paborito ng dalagita ni Rene”, paliwanag nito habang kapuna-puna ang lungkot sa mukha tuwing masasambit ang ngalan ni Renato.

Mam condolence po ulit anim na buwan na pala ang nakalilipas buhat noong maaksidente si bossing Rene. Sobra kasi sipag ni bossing Rene inakyat ang puno ayon nalaglag at nabaldog ang ulo. Yang mga taga Customs hindi yata nila alam na tayo ay nagbubuwis ng buhay sa abroad, na marami sa atin ang umuuwi ng baldado at talunan din. Eh kung puwede ngang isulat sa packing list ang luha, hirap at pasakit isusulat ko para maintindihan ng mga buwayang iyan ang tunay na buhay natin dito.” Halos walang katapusan ang galit sa mga salita ng kargador.

Mam seventy five na po tayo ngayon dahil na rin sa taas ng freight service and tax sa Pinas buwisit kasi yang mga taga Customs eh”, may kamot sa ulong kasama nang iniabot ng kargador ang resibo.

O heto ang 85 euro at bilin din ni bossing Rene mo na lagi kang abutan ng tip mabait ka raw kasi”. Napangiti ang dalaga habang iniaabot ang bayad sa kargador. Inako na din ni Marlyn ang nakagawiang pagbibigay ng tip sa masayahing taga pick-up ng balikbayan box. Katulad ng pag-ako nito sa patuloy na pagpapadala ng paboritong Nutella at mga pasalubong kay Elma. Bago malagutan ng hininga si Rene ay nakuha niyang hilingin kay Marlyn na tulungan niya at mahalin si Elma. Gusto niyang isigaw sa mundo na mahal niya si Renato at mamahalin niya ang naiwang anak nito subalit luha na lamang ang naging tanda ng isang tunay ngunit maling pag ibig.

Tama ang kargador ng balikbayan box, kung maisusulat lamang sa packing list ang paghihirap ng mga ofws….

 

Tomasino de Roma

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Prova, paano at gaano nga ba ito katagal?

240 iba’t ibang paraan para baguhin ang reporma sa pagkamamamayan