‘Ang komunidad na nagnanais ng pagbabago upang mapabuti ang pamumuhay ay isang yamang maipagmamalaki hindi lamang ng Pilipinas bagkus pati ng kani-kanilang host countries’.
Roma, Setyembre 22, 2015 – Dalawampu’t apat (24) na mag-aaral ang nakatanggap ng sertipiko sa seremonyang ginanap sa Aula Magna ng Centro Provinciale Istruzione Adulti sa Roma noong Septiyembre 13.
Kasama si Consul General Leila Lora Santos ng Philippine Embassy, Welfare Officer Loreta Vergara ng OWWA at Maris Gavino, ang Presidente ng Associazione Pilipinas OFSPES at LSE coordinator, ay iginawad ni Dr. Mario Villaverde, ang Associate Dean ng Ateneo University School of Government, ang parangal sa mga LSE o Leadership and Social Entrepreneurship graduates.
Sa kanyang pananalita ay nagbalik tanaw ito sa mabilis na paglawak ng LSE na nagsimula sa Roma taong 2008. Hanggang kasalukuyan, aabot sa 1000 ang bilang ng mga nagtapos ng LSE, kasama ang pinakahuling batch sa Roma at ang batch 24 sa Milan na tumanggap rin ng sertipiko noong nakaraang Sept 20.
Dahil sa malaking pangangailangan para sa programa, nangako naman ang Ateno na magpapatuloy sa sinimulang programa kung saan man ito kakailanganin, maging sa ibang bansa man o sa Pilipinas. ‘Ang komunidad na nagnanais ng pagbabago upang mapabuti ang pamumuhay ay isang yamang maipagmamalaki hindi lamang ng Pilipinas bagkus pati ng kani-kanilang host countries’, ayon pa dito.
Tulad ng pambungad na panalangin ni Fr. Gregory Maria Adolfo, “I thank you God that You have blessed me with the opportunity to be in business for myself and I declare and decree that this year will be a multi-million dollar, debt-free, breakthrough year for God-believing and God-loving entrepreneurs around the world.”
Samantala, bukas at tumatanggap na ang Pilipinas OFSPES ng mga aplikasyon sa mga nagnanais lumahok sa susunod na programan ng LSE.