Ako ay isang colf at kasalukuyang nagdadalang-tao. Hanggang kailan po ako dapat mag-trabaho? Maaari ba akong tanggalin sa trabaho ng aking employer at maghanap ng substitute?
Rome, Setyembre 30, 2015 – Ang batas sa Italya sa pagbubuntis o maternity ay nagbibigay karapatan sa mga working mothers ng karapatang mapanatili sa trabaho sa panahon ng pagbubuntis at ang magkaroon ng maternity leave sa limitadong panahon. Bukod dito, sa panahon ng maternity leave, ang bilang sa araw ng bakasyo o ferie, ang bilang sa panahon ng seniority o anzianità at ang kwenta sa halaga ng separation pay o TFR ay nagpapatuloy.
Sa katunayan, nasasaad na ang maternity leave ng future Moms ay nagsisimula sa huling dalawang (2) buwan ng pagbubuntis hanggang sa ikatlong (3) buwan ng bata. Samantala, kung mahusay naman ang kundisyong pisikal ng future mom, ay maaaring mag-desisyong huminto sa trabaho mula sa ika-walong (8) buwan ng pagbubuntis hanggang sa ika-apat na buwan ng bata matapos maipanganak.
Bukod dito, ang mga employer ay hindi maaaring tanggalin sa trabaho ang worker na nagbubuntis. Kung ang trabaho ay nagsimula bago ang pagbubuntis, ang mga colf, caregivers at babysitters, sa simula ng pagbubuntis, (na patutunayan ng angkop na medical certificate) hanggang sa matapos ang maternity leave ay hindi maaaring tanggalin sa trabaho, maliban na lamang sa pagkakaroon ng tamang dahilan o giusto causa o dahil sa nagtapos ang kontrata.
Ang employer ay maaari lamang tanggalin sa trabaho ang isang nagbubuntis na future mom na nasa maternity leave kung ito ay malubhang nagkamali at ito ay nagtanggal sa tiwala ng employer. Sapat na dahilan upang hindi na ipagpatuloy, kahit pansamantala, ang pananatili nito sa trabaho. Maaaring kilalaning ‘tamang dahilan o giusta causa’ ang pagnanakaw o ang simpleng pagliban sa trabaho ng higit sa limang (5) araw ng walang anumang dahilan.
Kung walang anumang tamang dahilan o giusta causa, ang employer ay hindi maaaring tanggalin sa trabaho ang future Mom hanggang sa tatlong (3) buwan matapos makapanganak. Kung ang worker naman ay nag-trabaho hanggang ika-walong buwan ng pagbubuntis, ay hindi maaaring tanggalin sa trabaho hanggang sa pagsapit ng ika-apat na buwan ng sanggol.
Ang prinsipyong ito ay hindi angkop, kung ang uri ng kontrata sa pagitan ng employer-worker ay provisory o contratto a tempo determinato. Sa kasong ito, sa katunayan, sa pagtatapos ng kontrata na nasasaad sa employment contract o lettera di assunzione, ay hihinto sa trabaho ang worker kahit pa buntis.
Samantala, sa pagliban ng colf dahil sa pagbubuntis, ang employer ay maaaring kumuha ng substitute at bigyan ng kontrata na ‘determinato’ sa panahon ng maternity leave ng colf.
ni: Atty. Mascia Salvatore
isinalin sa tagalog ni PGA