in

Ika-12 anibersaryo ng pagkakatatag ng GPII-ILC Rome, matagumpay na idinaos

“Iisang bandila, iisang sigaw ng lahat ng Guardians: Walang Iwanan!”

 

Roma, Setyembre 30, 2015 – Bunga ng mahusay na palakad ng mga opisyales, sa pamumuno ng kanilang pinakamataas na Lider na si Prime Diomedes “Pcrc Nazareth” Larido, ang itinuturing na Ama ng malaking organisasyon, naging matagumpay ang pagdaraos ng ika-12 anibersaryo ng pagkakatatag ng Guardians Philippines International Inc Rome Chapter o mas kilala sa GPII-ILC Rome. Ginanap sa Largo Ascianghi sa Roma noong Septyembre 2015 sa kabila ng maulang panahon.

Isang mensahe ng pasasalamat galing kay Vice president Amor ang naging hudyat ng pagbubukas ng selebrasyon kasunod nito ang ilang intermission numbers ng mga kinatawan ng mga grupo na nagmula pa sa iba’t ibang parte ng Roma at Italya.

Sa pangunguna ng Host Chapter na GPII-ILC Roma naging masaya at punon- puno ng sigla ang piyesta. Salamat sa pakikiisa ng maraming animators at delegasyon ng ibat-ibang chapters na kinabibilangan ng Gpi, RAM Italy Europe, Gpii Red Eagle Firenze, Gpii Blue Falcon Montecatini Terme, TGBII, 1 GANAP, KGBI, Knights, Cilg Eagle Termini Association, Phil Royal Guardians Brotherhood, RAM Guardians, GDFII, Delta Force, FBI, GSSI, GII, Lawin, URGBI, Marilag Rome at iba pang sangay ng Guardians.

 

Ginunita at ibinahagi ng pinakapuno na si Pcrc Nazareth ang mahabang kasaysayan ng pagkakabuo ng naturang Samahan, hanggang sa umabot sa pagdiriwang ng ika-12 taong anibersaryo. Hindi naging madali ang pinagdaanan ng nasabing samahan na patuloy pa ring nakatayo salamat sa suporta ng kanyang mga miyembro.

Ayon kay Prime Nazareth, “Ang isang samahan o organisasyon ay mas lalong matatag pag ang kanyang mga lider ay di nakatingala lagi sa promosyon ng posisyon bagkus sa kalidad ng kanyang serbisyo. Ang tamang paninilbihan sa mga nasasakupan ang siyang batayan ng pagiging magaling na lider.”

Dahil sa pagkakaisa ng lahat, patuloy pa ring nagagawang tumulong ng samahan sa mga mas nangangailangan sa ating bansa. Ang “mass feeding” sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas ay isa lamang sa mga aktibidades ng mga Guardians dito sa Italya.

Makabuluhang inspirational message naman ang ibinahagi ng pangunahing panauhin na si Atty. Kristine Margret Malang, ang Vice Consul ng Philippine Embassy sa Roma. Kanyang binanggit ang paghanga sa mga ofws na sobrang tiyaga at sipag para lamang maitaguyod patungo sa maayos na pamumuhay ang kanya kanyang mahal sa buhay sa Pilipinas. “Ang milya milyang distansya na humihiwalay sa mga mahal sa buhay ay di hadlang para maisakatuparan ang mga pangarap sa buhay”, aniya.

May kantahan at sayawan. Di nagpahuli ang mga kabataang mananayaw ng Pinoy Teens na buong siglang nagpakita ng angking husay at talento na hinangaan ng lahat. Laking pagkamangha naman ng lahat ng ang italyanong si Mirko Buffolino ay bumati sa wikang tagalog at kumanta ng “Habang may buhay”. Ayon sa kanya, bagamat sya ay italyano, sya naman daw ay pusong pilipino.

Pinasalamatan ng pamunuan ng GPII-ILC Rome chapter ang lahat ng dumalo at nakiisa para maging maayos at matagumpay ang selebrasyon. Kasama rin sa pinasalamatan ang sponsors para sa mga ginawang raffle draws.

Bakas sa mukha ng lahat ang kasayahan dahil sa naramdaman at nakitang pagkakaisa sa araw na iyon. Naging magandang pagkakataon ang pagtitipon para mainit na magkabalitaan ang mga magkakapatid na nagmula sa iba’t ibang chapters at magkasalu-salo sa inihandang piyesta ng mga taga GPII-ILC Roma. Inaasahang mas magiging malakas ang pagkakabigkis ng samahan para maitaguyod ang iisang layunin: ang maibahagi kung ano man ang makakaya sa mga mas nangangailangan sa ating mahal na bansang Pilipinas.

Iisang bandila, iisang sigaw ng lahat ng Guardians: Walang Iwanan!”

 

ni: Quintin Kentz Cavite Jr.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Colf, maaari bang tanggalin sa trabaho sa panahon ng pagbubuntis?

23 Sportello Unico per l’Immigrazione, magsasara