Ikaw ba ay may edad mula 15 hanggang 29 anyos? Kasalukuyang hindi nag-aaral at hindi nakatala sa anumang formation course? Walang trabaho o may trabaho man ngunit hindi hihigit sa 8,000 euros ang iyong taunang kita? At nais mo ng higit na kaalaman o pormasyon sa trabaho o bagong karanasan sa larangan nito?
Ikaw ang hanap ng programang Garanzia Giovani o Youth Guarantee!
Roma, Oktubre 12, 2015 – Sa pagtutulungan ng Embahada ng Pilipinas at ng ASLI o Associazione Stranieri Lavoratori in Italia, ay isinagawa kamakailan ang isang forum sa Social hall ng Embahada, na nakalaan para sa mga inactive youth at sa kanilang mga pamilya.
Sa panimulang salita ni H.E. Ambassador Domingo Nolasco ay kanyang binigyang-diin ang patuloy na pagtaas sa bilang ng mga dumadating na kabataan sa Italya sa pamamagitan ng family reunification, dahilan upang harapin ang tema ng integrasyon sa komunidad.
Kaugnay nito, layunin ng forum ang maiparating sa mga kabataang Pilipino at kanilang mga pamilya hindi lamang ang mahahalagang impormasyon ukol sa integrasyon ngunit lalong higit ang mga proyektong nakalaan para sa kanila at para sa kanilang kinabukasan at kung paano ang maka-access sa mga proyektong ito.
Sa tulong nina Liza Bueno Magsino at Flora Ventura, mga executive information officers sa Centro per l’Impiego o CPI sa Roma (Primavalle), ang pangunahing tanggapan na nangangasiwa ng proyektong ‘Garanzia Giovani’ ay naging madali ang pagre-rehistro ng mga kabataang lumahok sa forum sa sistema ng CPI. Ito ang pangunahing hakbang upang makumpilahan ang form na kinakailangan upang ganap na makasali o ang ‘adesione’ sa website ng Regione Lazio.
“Sa pamamagitan ng programa ay pinagtatagpo ng CPI ang demand and supply o domanda-offerta ng labor market. Gamit ang balidong e-mail address at codice fiscale, ay magagawa ang registration at ang pagpapalista sa data base upang ganap na maging bahagi ng Garanzia Giovani”, ayon kay Liza Bueno. “Batay sa ginawang personal profile ay makikilatis ng mga kumpanya ang mga nagparehistro”, pagtatapos pa nito.
Samantala, isang pagpapatotoo naman ang ginawa ni Michael John Caputol, isang aktibong miyembro ng ASLI at isa sa mga kabataang Pilipino na nagpatala sa Garanzia Giovani. “Makalipas ang ilang buwan mula sa aking pagpapatala sa programa ng Garanzia Giovani ay tinawagan ako ng isang kumpanya para sa isang ojt o on-the-job-training o tirocino sa loob ng anim na buwan. Sa ngayon po ay mayroon na akong contratto indeterminato sa kumpanyang ito”, masayang pagbabahagi at panghihikayat ng binata ukol sa kanyang naging karanasan.
“Dahil dito, mahalagang matutunan ng mga kabataang Pilipino ang wikang Italyano, ito ay isa sa mga susi ng mahusay na integrasyon lalo na’t ipinatutupad ang integration agreement o ang ‘accordo d’integrazione’ sa mga bagong dating sa Italya mula 16 anyos. Ito ay susi rin upang matanggap ang mga proyektong nakalaan sa mga kabataang dayuhan sa Italya tulad ng Garanzia Giovani”, paalala ng ASLI.
Patuloy ang panghihikayat ng Embahada at ng ASLI sa mga kabataang alamin, kilalanin at magpatala sa programa ng Garanzia Giovani. Gayunpaman, ang pagpapatala sa nasabing programa ay magtatapos hanggang Dec. 31, 2015.