“Nais kong patuloy na palawakin at pagyamanin ang kaalaman ng mga kabataan sa musika sa tulong at tiwala ng bawat magulang”.
Laarni de Silva, 39 anyos, tubong Batangas, nag-aral ng B.S. in Medical Technology sa Far Eastern University at Music Education in Clasical piano sa St. Joseph College, nagturo bilang music teaher at choir instructress sa Trinity High School at sa kasalukuyan ay rehistradong private music instructress sa Milan. ‘Learn and have fun with music’, ang pangalan ng mini school of music, na matatagpuan sa via Bruno Cesana,103, kung saan nagtuturo ng teoria at tecnica sa paghawak ng instrumento, partikular ang pianoforte at pagkanta sa mga kabataan mula 5 hanggang 18 taong gulang.
Bagaman tapos ay nilisan ni Laarni ang propesyon at pamilya, tulad ng karamihan ng mga Pilipino sa Italya at naging colf sa Milan ng 4 taon. Kasabay ng piniling landas ay nagpatuloy si Laarni sa pagmamahal sa musika, naging pianist sa Chiesa del Carmine, tumugtog din sa mahahalagang okasyon ng mga Pilipino sa Duomo di Milano, Duomo di Como at Lourdes.
Sa pamamagitan ng isang maliit na grupo ay nagsimula si Laarni bilang part-time choir teacher noong 2010. ‘La Nuova Generazione è vintage’, ang titolo ng unang benefit concert at pangalan ng grupo, kung saan ang 12 mga kabataan ay kumanta at tumugtog ng mga lumang awitin. Nasundan ito ng isa pang benefit concert sa Piacenza ngunit sa kasamaang palad ay isang aksidente ang naging sanhi ng tuluyang paghinto ni Laarni sa trabaho bilang colf.
“Nagkaroon ng problema ang aking kanang kamay, na naging dahilan upang magbago lahat sa akin. Dahil sa aksidente, naisip ko na bakit hindi ko gawing trabaho ang talento na meron ako? Sa panahon ng pagpapagaling at terapia ko ay hindi tumigil ang aking pagmamahal sa musika, dito ay naisip ko ang pagkakaroon ng ‘scuola’ at palitan ang pangalan ng grupo: Learn ang have fun with music – Matuto at magsaya sa musika. Para sa akin kasi dapat enjoy ang mga bata habang nag-aaral ng music. Kasama ng teoria at tecnica kailangan matuto sila kasama ang puso at kaluluwa. Kasabay ng pagbabago ng pangalan ng grupo ay pinagtuunan ko rin ng pansin ang pagbuo ng choir na libre kong ibinibigay sa aking mga estudyante”, ayon kay Laarni sa akoaypilipino.eu.
Nahirapan ka bang simulan ito?
“Taong 2013, ay opisyal kong binuksan ang Learn and have fun with music school. Mayroon akong commercialista na tumulong sa logistics tulad ng pagrerehistro at documentation ng school at mga invoices. Hindi maiiwasang mahirapan, kasama kasi yan sa lahat ng nagsisimula. Mahirap ang: makakita ng mga taong maniniwala at magtitiwala sa iyong kakayahan, ang ipaunawa sa bawat magulang na bawat bagay ay may tamang panahon, ang kunin ang loob ng bawat magulang para maisakatuparan ang bawat proyekto na gusto kong gawin para sa grupo, ang humanap ng mga lugar para sa mga pag-eensayo at humanap ng paraan para mabuo ang isang mini concert. Ngunit ito ay aking hinarap”.
Ano ang maituturing na achievements ng school sa kasalukuyan?
“Noong 2014, sa casting on line ay nakapasa ang grupo bilang isang choir sa Italian Got Talent at nakasama sa audition sa Rimini. Noong 2015, ay nakapasa naman sa casting ng Junior Talent Lab na naging dahilan upang maipasa rin ang audition sa Tra sogno e Realtà, kung saan nakasama agad sa semifinalis na ginananp sa Abano Terme, Padova at nakalaban ang 600 contestants mula sa iba’t ibang lugar. Mula sa Abano ay nakasama rin sa 120 contestants na lumaban sa Roma nitong Nobyembre. Dito ay nabago ang kanilang pananaw hindi lamang ng bawat bata, hindi lamang bilang choir kundi isang pamilya. Ang pagtugtog at pagkanta ng mga gospel songs na galing sa puso ay kanilang ipinakikita at ibinabahagi sa publiko, Italyano man o hindi”.
Pangarap ni Laarni sa hinaharap ang makapag-buo ng mini orchestra, classical at rock orchestra at ang bumuo ng isang band. Na sa pamamagitan ng kanilang bawat tugtog at awit ay maipakita at maiparamdama ang init ng kulturang Pilipino. “Nais kong patuloy na palawakin, palakihin at pagyamanin ang kanilang kaalaman sa tulong at tiwala ng bawat magulang”, pagtatapos ni Laarni.