Ikaw ba ay nasa Italya at ang iyong pamilya ay nasa Pilipinas at nais mong makatipid (kahit papaano) ngayong Pasko? Narito ang ilang mahahalagang tips na angkop para sa mga Pinoy sa Italya.
Kasabay ng haplos ng malamig na panahon ay ang init naman ng pangungulila ng mga Overseas Filipinos na magdidiwang ng Kapaskuhang malayo sa kanilang mga mahal sa buhay. Dahilan upang higit na magtipid upang higit namang maibigay ang pagmamahal sa bawat regalong ipapadala sa kanila.
Narito ang ilang simple at praktikal na mga tips upang maiwasan ang mga hindi mahalagang gastusin ngayong nalalapit na Pasko.
1. Huwag gumastos para sa mga hindi kinakailangang bagay.
Karaniwang magaganda at makukulay ang mga display sa mga malls sa panahon ng Pasko. Mahirap tanggihan ang isang bagay na nakakuha ng atensyon habang namimili sa mall o sa supermarket. Kaya naman para siguraduhing maiiwasan ang “impulse buying” o pagbili ng mga bagay na hindi naman dapat paglaanan ng malaking pera, mainam na maghanda ng shopping list o listahan ng mga taong bibigyan ng regalo at ang uri ng regalong nais ibigay sa mga ito. Pairalin din ang “10-second rule” sa tuwing bibili ng regalo. Pag nakita ang regalong nais, hawakan ito at tanungin ang sarili: Magugustuhan ba ito ng anak ko? O Kailangan nya ba ito?
2. Maghintay ng pagbaba sa halaga ng mga bilihin.
Sa Italya, bagaman mayroong ilang discount o sale, ay karaniwang mataas nag presyo hanggang Pasko. Gayunpaman, makalipas ang Pasko ay bababa na ang presyo nito. Makakatipid kung bibili ng regalo para sa mga kaibigang makikita naman makalipas ang Pasko o ang Bagong taon. Sa katunayan, sa Italya ay karaniwang nagsisimula ang Winter sale ng Enero 5.
Maaari ring ipagpaliban ang pag-uwi at pagbabakasyon sa Pilipinas sa buwan ng Enero kung kailan mas mababa ang mga presyo ng bilihin kasama na ang plane ticket. Ang kalungkutan at pangungulila sa mga mahal sa buhay ay maaaring pansamantalang maibsan sa tulong ng internet connection.
Ang pag-uwi sa Pilipinas sa buwan ng Disyembre ay nangangailangan ng malaking budget. Bukod sa mataas ang halaga ng mga pasalubong ay mataas din ang halaga ng mga plane ticket dahil ‘high season’.Para sa mga nagbabalak mag-Pasko sa Pilipinas, narito ang ilang mga mapapakinabangang tips:
- Bumili ng mga pasalubong sa pagsapit ng Summer sale sa buwan ng Hulyo. Mainit ang panahon sa Pilipinas kung kaya’t angkop ang panahon sa pamimili ng mga pasalubong;
- Maagang magpa-book ng inyong flight sa pinagkakatiwalaang travel agency. Higit na mababa at abot kaya ang presyo ng plane ticket kung bibilin ito ilang buwan bago mag-Disyembre.
3. Maghanap ng mas mababang service fee sa mataas na exchange rate ng remittance.
Malaking bahagi sa pagba-budget ng mga Overseas Filipinos sa panahon ng kapaskuhan ay ang ipinapadalang pera sa Pilipinas o ang remittance.
Lingid sa kaalaman ng marami, mahalagang ikumpara ang mga rates at mga service fees ng mga money transfers bago tuluyang magpadala ng remittance sa Pilipinas. Hanapin ang pinaka murang paraan sa pagpapadala ng remittance. Ang hindi inaasahang malaking pagkakaiba sa rate at service fees ng mga money transfer ay maidadagdag sa Christmas gifts para sa mga mahal sa buhay.