Inaasahan ang 30,000 quota sa nalalapit na paglalatahla nito sa Official Gazette. Ngunit nananatiling sarado ang direct hire for non-seasonal job.
Roma, Pebrero 1, 2016 – Muling nagbubukas ang Italya para sa mga manggagawang dayuhan sa kundisyong makalipas ang ilang buwan ay muling babalik sa sariling bansa.
Inaasahang ito ay ilalabas mula ngayong linggo matapos ang paglalathala ng bagong decreto flussi sa Official Gazette na may 30,000 quota, kung saan may nakalaang maliit na bilang para sa lavoro autonomo (self-employment) at lavoro subordinato, conversion ng mga permit to stay at lavoro stagionale (seasonal).
Partikular, ang dekreto, tulad ng unang inilathala noong Nobyembre 2015, ay magpapahintulot sa pagpasok ng ilang libong subordinate workers na sumailalim sa formation course sa sariling bansa, ilang daan naman ang nakalaan para sa mga South American workers na may lahing Italyano at halos 12,000 conversion sa permesso di soggiorno per lavoro mula sa ibang dahilan at samakatwid para sa mga nasa Italya na. Samantala, malaking bilang naman ang nakalaan para sa seasonal job na inaasahang tulad noong nakaraang taon na 13,000.
“Kung makukumpirma ang mga bilang na nabanggit, ito ay patunay lamang ng pagsasara para sa entries ng non-seasonal job sa Italya. Isang desisyong binigyang katwiran ng gobyerno dahil sa kasalukuyang krisis sa ekonomiya at sa mataas na bilang ng mga walang trabaho, Italyano man o dayuhan”, ayon kay Giuseppe Casucci, Migration Department National Coordinator ng UIL.
“Ngayong taon – ayon pa sa lider ng unyon – ay dumating sa Italya ang mas kakaunting refugees ngunit doble naman ang bilang ng mga migrante buhat sa Africa na naghahanap ng trabaho. Sa pagsasara ng lahat ng mga regular na paraan, ang mga taong ito ay mapipilitang harapin ang Mediterranean bilang opsyon. Bukod dito, ayon sa mga pag-aaral ay sinasabing sa mga susunod na taon, sanhi ng pagtanda ng populasyon, ay tataas ang pangangailangan sa man power ng mga dayuhan ng bansa, at samakatwid ay kailangang muling pag-planuhan ang ibang uri ng regular na pagpasok o entries.
Masaya namang tinanggap ng mga kinatawan ng mga magsasaka ang bagong seasonal influx dahil ang mga seasonal workers ay kinakailangan sa takdang panahon sa mga bukirin para sa pag-aani.
“Ang bilang ay sapat, dahil ang mga walang trabaho at mga Europeans ay maaari ring tanggapin, ngunit ang pagpapalabas ng dekreto sa tamang panahon sa unang pagkakataon ay aming ikinatutuwa”, ayon kay Roberto Caponi, direktor ng mga unyon ng Confagricoltura. Sa katunayan, ang mga application sa pagkakataong ito ay magsisimula na ng Enero at hindi kung sa spring tulad ng mga nakakaraang taon.
“Palagi naming hinihiling – paliwanag ni Caponi – ang ilathala ng mas maaga ang dekreto, upang makapasok sa Italya ang mga seasonal workers sa pagitan ng mga buwan ng Marso at April, sa pagsisimula ng anihan. Ngayon ay umaasa kami na ang proseso ay nagtataglay ng ilang simplification na magpapahintulot sa mabilis na pagtatapos ng mga ito”.