Magandang araw po. Ako ay isang Pilipina at kasalukuyang undocumented sa Italya. Nais po ng aking employer na gawin akong regular sa pamamagitan ng decreto flussi 2017? Hindi po ba dapat ay regularization? Ano po ang pagkakaiba ng dalawa?
Ang Decreto Flussi at ang Regolarizzazione, (kilala rin bilang sanatoria o emersione), ay dalawang magkaiba at makahiwalay na paraan. Ang pangunahing pagkakaiba, sa katunayan, ay ang pagiging residente ng dayuhan sa ibang bansa at samakatwid ay wala sa Italya – sa unang nabanggit – o ang nakatira na sa Italya ngunit undocumented o walang balidong dokumento upang manatili at magtrabaho sa Italya – para naman sa ikalawang kaso.
Gayunpaman, sa parehong kaso, ay kailangang hintayin ang paglabas ng batas buhat sa gobyerno. Karaniwan, ang Decreto Flussi ay inilalathala taun-taon habang ang Regolarizzazione naman ay isang espesyal o di pangkaraniwang batas at hindi inilalathala taun-taon.
Ang Decreto Flussi ay partikular na naglalayong gawing regular o legal ang pagpasok ng mga non-EU nationals na nakatira sa ibang bansa na nagnanais na makapasok at makapag-trabaho sa Italya. Sa madaling salita, ang employer na nais mag-empleyo ng isang Pilipino, sa pamamagitan ng quota o bilang na itinalaga ng Decreto Flussi, ay nagre-request o nagsusumite ng aplikasyon para sa “nulla osta al lavoro subordinato”online sa pamamagitan ng website ng Sportello Unico per l’Immigrazione at kailangang patunayan ang pagiging kwalipikado o ang pagkakaroon ng mga requirements sa page-empleyo ng dayuhang manggagawa.
Ngunit dahil ang pangunahing kundisyon sa Decreto Flussi ay ang paninirahan ng dayuhan sa ibang bansa, ang dayuhang manggagawa na nasa Italya na at walang balidong dokumento sa paninirahan dito ay hindi maaaring maging regular sa pamamagitan ng prosesong ito.
Sa halip ay ang ikalawang proseso, ang sanatoria, na tumutukoy sa pagre-regular sa posisyon ng dayuhang nasa Italya na ng walang balidong dokumento. Sa kasalukuyan, ito ay hindi pa tinatalakay o binabanggit man lamang.
Sa katunayan, sa kabila ng mayroong Decreto Flussi sa kasalukuyan, hindi nasasaad dito ang pag-eempleyo sa isang colf o domestic na Pilipino/a, maliban na lamang kung nabibilang sa isa sa dalawang kategoryang nabanggit sa ibaba:
1- Ang dayuhan ay may italian origin sa pamamagitan ng kahit isa sa mga magulang nito hanggang sa third degree at nakatira sa Argentina, Uruguay, Venezuela o Brazil. (formA para sa domestic job at form B para naman sa subordinate job na hindi domestic job)
2- Ang dayuhan ay mayroong EC long term residence permit na ipinagkaloob sa isa sa mga EU member state (form LS subordinate job na hindi domestic at LS1 para sa domestic job)
At tandaan na ang decreto flussi 2017 ay tumutukoy partikular sa seasonal job o ang regular na pagpasok bilang manggagawa sa bansa ngunit babalik sa sariling bansa matapos ang ilang buwang pagta-trabaho sa sektor ng agrikultura. Sumasaklaw din sa pagpasok sa Italya mga sumailalim sa formation courses sa sariling bansa at conversion ng mga permit to stay.
Samakatwid, ang Dectero Flussi 2017 ay hindi tumutukoy sa regularization ng mga undocumented at hindi rin tumutukoy sa direct hiring ng mga Pilipino sa domestic job.
Bilang panghuli, kung ang dayuhan ay mayroong balidong dokumento upang manatili sa Italya at nagpapahintulot dito upang makapagtrabaho ng anumang uri ng trabaho – sa kasalukuyan ay makikitang nakasulat ang “permesso unico lavoro” – ang dayuhan ay maaaring ma-empleyo ng hindi nangangailangang mag-aplay pa ng nulla osta ng Flussi o ang gawin ang proseso ng regolarizzazione. Maaaring direktang gawin ang comunicazione di assunzione sa itinakdang tanggapan upang magampanan ang nasasaad sa batas.