Pagsayaw at pagwagayway ng Sto Niño kasabay ng mga puting rosas sa pagdiriwang ng taunang pista ng Sto Niño sa Milan.
Milan, Pebrero 12, 2016 – Pagsayaw at pagwagay-way ng imaheng Sto Niño kasabay ng mga puting rosas sa pagdiriwang ng taunang pista ng Sto Niño. Ito ang isinagawa ng mga deboto ng mahal na patron na ginanap sa Parrochia di Santa Maria del Caravaggio, Milan, Italy.
Ito ay inorganisa ng “Cebuanos and Friends Association” sa tulong ni Fr. Alessandro Vavasori na masipag sumuporta sa mga Pilipino. Sa paggunita sa araw ng Sto Niño ay halos doble ang bilang ng mga deboto na dumalo sa nasabing pista.
Nagkaroon ng prosesyon bago nagsimula ang misa at tinahak ang mga pangunahing kalsada sa Milan habang nagdarasal ng Rosaryo at may tumugtog na banda.
Maliban sa mga debotog kababayan at ibang nationalities, naroroon din ang grupo ng “Filipino Catholic Community of Sto. Niño de Milan” Chiesa Sta. Maria Consolazione, “Uno Moneta dal Cuore”, ang Philippine Consulate General in Milan, United Pinoygraphers Club Milan at ang Alpha Phi Omega Milan.
Sa prosesyon ay binasbasan ni Father Vavasori ang imahe maging ang mga deboto at umabot ito ng mahigit 30 minuto sa kanilang paglalakad. Kwento ng isang deboto, siya ay nagkasakit at tumaas ang blood pressure at laking pasalamat sa Panginoong Diyos at sa pamamagitan ng kanyang debosyon sa Sto. Niño, hanggang ngayon ay binibigyan siya ng lakas para magtrabaho, alang-alang sa kanyang pamilya.
Samantala, laking pasasalamat din ng isang deboto sa kanyang mahal na patron Sto. Niño at sa kanyang pananampalataya ay binigyan pa rin siya ng napakagandang buhay matapos sumailalim sa dalawang beses na heart-bypass. Ayon pa dito, sa tuwing bago sasapit ang pista ni Sto. Niño ay lagi aniya itong napapanaginipan.
Ilan lamang yan sa mga testimoniya ng mga deboto tungkol sa kanilang Mahal na Patron.
Pagkatapos ng mga salita ni Fr. Vavasori sa mga deboto na nagbigay ng higit na pananampalataya ay isa-isang binasbasan ng pario ang mga imahe ni Sto. Niño na iprinisinta sa harap ng altar. Masayang nilisan ng mga deboto ang sagradong lugar sa basbas ng pari na mabigyan sila mas maraming biyaya sa anumang kahilingan.
ni Chet de Castro Valencia
larawan ni Jesica Bautista