Itinalaga ang bagong pamamaraan ng pagbabayad ng ‘canone rai’ upang maiwasan ang ‘evasione’ o ang hindi pagbabayad nito.
Roma, Pebrero 12, 2016 – Upang maiwasan ang ‘evasione’ o ang hindi pagbabayad ng kilalang buwis, ang ‘canone rai’, ay itinalaga ng administrasyong Renzi ang sumusunod:
- Ibinaba mula 113.50 euros sa 100 euros ang bayarin;
- Ito ay babayaran kasama ang konsumo sa elektrisidad sa iisang bolletta o postal bill.
Ang canone rai ay isang uri ng buwis na dapat bayaran ng sinumang nagtataglay ng telebisyon, anuman ang bilang o kwalidad nito sa pamamagitan ng elektrisidad sa rehistradong tirahan. Ito ay isang beses lamang na babayaran sa isang tahanan na nasa iisang stato di famiglia o family composition.
Mula ngayong taon, ang pagbabayad ng ‘canone’ ay gagawin hindi na sa pamamagitan ng bukod na bill nito tulad sa nakaraan, bagkus ay sa pamamagitan ng electric bill. Ang 100 euros, na hahatiin sa limang bayarin ng tig-20 euros ay babayaran tuwing ikalawang buwan kasama ng konsumo sa kuryente. Ngunit para sa taong 2016, ang simula ng bagong paraan ng pagbabayad ay gagawin mula Hulyo na nagkakahalaga ng 70 euros.
Gayunpaman, ay pinahihintulutan pa rin ang anumang deklarasyon ng hindi pagkakaroon ng aparato sa tahanan. Ito ay balido lamang ng isang taon at dapat na alinsunod sa hinihingi ng batas. Ang presentasyon ng nasabing deklarasyon ay itinalaga ng Agenzia dell’Entrate at paparusahan ng batas ang walang katotohanang deklarasyon.
Ang pagkakaroon ng exemption ay tulad sa mga nakaraang taon; para sa mga over 75, na ang kabuuang kita ng mag-asawa sa isang taon ay mas mababa kaysa sa 8,000 euros. Samantala, isang mahalagang pagbabago ang hatid ng Stability law na tinanggal ang posibilidad ng hindi pagbabayad ng nasabing buwis sa pamamagitan ng ‘suggellamento’. Ito ay nangangahulugan ng hindi paggamit ng telebisyon kahit pa mayroon nito, na mula ngayong taon ay dapat na ring bayaran.
Para sa karagdagang impormasyon, magtungo lamang sa website ng canonerai.it