Isang kwento ng pakikipagsapalaran at pagmamahal sa buhay. Isang kwentong kathang-isip na ang layunin bukod sa magbigay-aliw ay ang kapulutan ng aral ng mga mambabasa. Anumang pagkakatulad sa pangalan o kaganapan ay hindi sinasadya at isang pagkakataon lamang.
Roma – Lumapat ang kanyang talampakan sa Italya , taong 1987 matapos ng Edsa Uprising. Hindi ito ang unang pakikipagsapalaran sa ibang lugar. Mula Mindanaw nagtrabaho sa Manila. Pangalawa ang Taiwan. Sa likod ng kaba at mga pangamba, sinuong niya ang mga bagay na lahat ay banyaga para sa kanya: lengwahe, kultura, klima,pagkain, kabahayan, lansangan at mga mukhang pawang nakatitig tuwing maglalakad siya sa lansangan. Marahil hindi katangusan ang kanyang ilong o dahil mala-Vilma Santos ang istilo ng kanyang buhok.. Bentidos anyos siya ng makarating sa Italya. Pangwalo sa siyam na magkakapatid. Magsasaka ang kanyang Ama at simpleng maybahay ang kanyang Ina. Laki sa hirap kumbaga. Batak sa trabaho kahit sa murang edad.
Masalimuot ang pinagdaan ni Ate Liwanag. Sa kanayunan, napakaraming biktima ng sekswal na pang-aabuso. Kabilang siya sa maraming mukha ng kabataan na nagkakanlong sa mapait at nakapopoot na pangyayaring ito sa edad na sampong taon. Ang kaganapang ito ay natuldukan ng mga tikom na bibig. Hanggang sa naging isang kwento na naglipana sa mga dalisdis na tinalunton ng mga bakya . Parang palay na itinahip sa hangin. Di nalapatan ng hustisya. Walang iniwang pekas sa mukha, subalit malalim ang sugat na lumatay sa kanyang pagkatao. Bangungot itong umuukilkil sa bawat panaginip. Tanging ang tulugang papag ang nakakaalam ng madilim na parte ng kanyang buhay. Bulag, pipi at bingi sa tuwing raragasa ang ihi mula sa kanyang puerta, isang reaksyong dinala niya hanggang sa Italya.
“Wounded warrior”, ang taguri niya sa kanyang sarili. “ Bakit “ , tanong ko sa kanya, “ dahil matapang kong hinaharap ang hamon ng buhay”, walang kagatol-gatol niyang tugon. Dagliang gumala sa aking imahinasyon ang mga pelikula kung saan sugatan, duguan ang animo walang pag-asang nilalang. Inaapi, binubugbog, nawawalan ng kabiyak , anak o mga mahal sa buhay. Ngunit sa huli , iisa lamang ang nakapagpunyagi. Ang noon ay biktima, siya ngayon ang bida. Pero sa tingin ko, hindi lang tapang ang mayroon si Ate Liwanag. Determinasyon at pangarap , hindi para sa sarili, higit sa lahat para sa pamilya.
Kahit sa syudad may ahas na naglipana. Mapanukso. Mapagpanggap. Naghahanap ng masisila o mabibiktima. “ o, 41 ang baraha ko, ikaw ay 39 lang”, sabay kabig sa taya sa ibabaw ng kwadradong mesa. May yabang sa likuran ng isip niya. Ikaw ba naman , talunin mo ng sunod-sunod ang mga beteranong manunugal. Tuloy-tuloy ang kabig at lihim na ngiti na tanging siya lamang ang nakakaalam. Wika ng isa sa manunugal “ akala ko ba Ate Liwanag di ka bihasang magsugal”?.. , “ he,he, he, sinusuwerte lang siguro”, sagot ni niya.
DING-DONG, tunog ng doorbell sa tarangkahan ng pinapasukang bahay ni Liwanag. Binuksan niya ang gate. “ Cos’è?”, tanong ni Liwanag sa italyanong may dalang maliit na sobre. “ Chi sei, Liwanag Magbantay?,. “ Si, sono io”, sagot niya sa kuryer. “ C’e un telegramma dalle Filippine per te”. Biglang kumabog ang dibdib ni Liwanag. Hindi na kailangan pa ng kalendaryo para maalalang mahigit 10 buwan na siyang di nakakapagpadala ng pera. Maiksi ang nakasulat sa telegrama. Walang ligoy, ni pakiusap o pabalat bunga. “ Anak 10 buwan ka ng di nakakapagpadala”. Huli na ng malaman niyang ang swerte ay gawa-gawa lamang. Pakagat ng mga ispiritong bumibiktima ng mga kaluluwang walang matuluyan.
Sadyang ang mga demonyo ay di tumitigil sa panunukso. “ Halika Liwanag sumama ka sa amin, mag-Disco tayo”, imbita sa kanya. “ Di ako pwede, wala akong day-off”, sagot niya. “ Sige na sumama ka na”, pangungulit ng isa. “Dadaanan ka namin sa sabado”. “ O sige na nga!”, sagot niya, tutal ay mahilig naman siyang mag-Disco. Pampalipas sa walang maliw na pagkabagot. Pumarada ang kotse na minamaneho ng isang Italyano sa isang misteryosong lugar. Patay sindi ang ilaw. Maingay at nakabibingi ang mga awitin. Sa lugar, nakapulupot ang lalaki at babae sa isa’t-isa. Tahimik at mapangahas na dinadama ang bawat himaymay ng kanilang katawan. Nakita niyang palabas ng “locale” ang kanyang mga kasama ng walang pasintabi. Kagyat niya itong hinabol. “ saan kayo pupunta”? “ Pauwi na kami”, sagot ng isa. Samantalang si Kulasa isa sa mga nangulit sa kanya ay tumakbong palabas na nakakapit sa isang estranghero. “ Di pwede yan, kailangan niyo akong ihatid”.
Paghinto sa tapat ng bahay, muling sinubok ang kanyang katatagan. Sa pagkakataong ito – buo ang loob ni Ate Liwanag na di na mauulit ang nangyari makalipas ang 12 taon. Pinagsisipa niya ang lalaki na nais humalay sa kanya samantalang si Kurdapya ay patay malisya sa nangyayaring kahalayan.
Tulad ng hanging habagat , nagbago ang direksyon nito. Pagdating ng kanyang pamangkin na may asawa, namuo sa kanyang isip na hindi niya ito hahayang makatulad sa mga pamilyang nawasak. Mga ama at ina na naghangad na solusyonan ang problemang pang-ekonomiya sa tahanan subalit hindi naging matatag na sansalain ang tukso.
Muli kong nakita si Ate Liwanag. Bago na ang kanyang mga kasama. Nasa harapan siya ng maraming OFW. Nakapagtayo pala siya ng isang samahan ng mga Pilipino. “ Tatlong mahahalagang bagay ang kailangan nating mga Pilipino dito sa Italya. Una , isang organisayon kung saan makikita ang pakikiisa ng bawat isa, pangalawa , malalim na ugnayan sa bawat isa lalo na sa panahon ng kagipitan, at pangatlo, isang komunidad ng Pilipino na ang layuning pangalagaan at proteksyunan ang kanilang karapatan at kagalingan” laman ng kanyang talumpati. Ito ang mga pananalitang sandaling naghatid ng katahimikan. Payapang nanulay sa aking diwa at pinahintulutang namnamin ang sustansya ng walang pagtutol.
Dito niya nasumpungan ang tunay na pag-ibig. Sa ngayon, pamilya ni Ate Liwanag ang isa sa pinakamalaking angkan sa Syudad kung saan siya naghahanapbuhay. Tatlumpong taon na rin ang samahan na kanyang itinatag. Tagapag-alaga ng mga pamangkin at apo. Dito umiinog ang kanyang araw-araw na pakikihamok sa hamon ng buhay. Isang tunay na pag-ibig. Di makasarili. Pag-ibig sa bayan, pamilya at kasamahang mangagawa sa ibayong dagat.
Sa kasalukuyan, Si Ate Liwanag ay opisylaes ng isang pambansang samahan at aktibo sa pagtuturo sa mga kabataan.
ni: Rhoderick Ople