Isang alay sa Araw ng mga Kababaihan
At ngayon napatid na ang tanikala,
kita na ang saya sa ‘yong maamong mukha.
Pangarap na hinangad ay hawak mo na,
bantayan at ‘wag nang hayaang mawala.
Wala kang ibang kagustuhan,
makamit ang kalayaa’t karapatan.
Kung iya’y ipagkakait muli ng lipunan,
tumayo at simulan.
Pagbalik sa pagkaalipi’y pigilan
makibaka,sumulong at muling manindigan.
Ilabas angking kakayahan
Ipakita, kakaibang tapang
Kumilos at lumaban,
upang mapagwagihan.
Hanapin ang katarungan.
kahit pa may kahirapan,
taas noo kanino man.
Karapatan mo’y dapat igalang,
hindi inaapakan.
Sa pagkakasakal ay kumawala.
Kahalagahan sa lipuna’y naipakita.
Katalinuhan ay kailangan ng bansa.
Mga katanungan ay may kasagutan na.
Tuluyan nang naging malaya.
Sige, ipagpatuloy
Hangad mo’y maging parang apoy.
Mainit, Naglalagablab, tumutupok
magtatagumpay dahil hindi marupok.
Minsan pa, babae.
Ipagtangol dangal at puri!
Prinsipyo’t katayua’y pagtibayin,
Hindi ka na magiging kawawa muli.
ni: Demetrio ‘Bong’ Rafanan