in

Good Governance: How the values of anti-corruption can take root in filipino culture

“2016: Our time to rise, ngayong 2016 ay ang tamang taon para sa ating pagbangon” Atty. Loida Nicolas-Lewis.

Florence, Marso 10, 2016 – Pulitika ang isa sa pinakamatunog na paksa sa panahong ito dahil sa nalalapit na halalan, at dahil dito ay isinagawa ang forum o pagtitipon sa iba’t ibang bahagi ng Italya; February 28 sa Milan, sa pangunguna ni Anabel Mayo at Rome, sa pangunguna ni Mylene Vilale; March 1 sa Naples, sa pangunguna ni Grace Masirag at March 3 sa Florence, sa pangunguna ni Divina Capalad. Pangunahing panauhin ang kilala sa buong mundo sa iba’t ibang larangan na si Atty. Loida Nicolas-Lewis at ang kasama na si Mrs. Marie Luarca-Reyes.

Sa kabila ng mga kasabay na pagtitipon sa Milan o sama ng panahon sa Roma o sa pagod sa trabaho sa Florence ay ipinakita pa rin ng ating mga kababayan sa Italya ang kanilang pakikiisa sa nasabing ebento na tinawag na “Forum on Good Governance: How the values on Anti-corruption can take root in filipino culture“. Ang layunin ng pagtitipon ay ang imulat ang ating mga kababayan sa sitwasyon ng ating bansa noon, at lalo na ngayon na nalalapit na ang halalan, patungo sa maunlad at magandang hinaharap.

                         Filipino Community in Milan with Loida Nicolas Lewis

 

Pahayag ni Atty. Loida Nicolas Lewis na hindi maikakaila na isang malaking hamon sa sambayanang pilipino ang halalan na darating dahil sa mga kamay ng mga boboto nakasalalay ang kinabukasan ng ating bansa. Kailangang buksan ang mga mata at harapin ang katotohanan na ang sugat at paghihirap na dinanas ng ating mahal na bayan ay hindi puwedeng mabigyan ng lunas sa loob lamang ng kaunting panahon. Imperatibo ang magandang pagpapatuloy at wastong pamamalakad ng isang tamang lider upang tuluyang umangat na muli ang Pililipinas. Hindi sa loob ng isang term lang, o anim na taon, maisasagawa ang pagbibigay lunas sa mga suliraning hinaharap ng bansang Pilipinas. Kailangan ang “continuity” upang tuluyang maiangat na muli ang ating bansa.

Ang pangarap ng sambayanang Pilipino na mapabuti ang Inang Bayan ay hindi imposible kung ang mailuluklok sa posisyon ay mga tamang kandidato. Hindi lang ang mga pangako ang tamang batayan sa pagpili. Kailangan ang bukas na isipan, suriin ng mabuti ang lahat ng kandidato at pag-aralan ang kanilang mga plataforma. Kadalasan ay nakatatak na sa isipan ng karamihan na bilang isang ordinaryong mamamayan ay kinakailangan na umayon na lamang at sumunod sa mga lider ng gobyerno dahil sila ay mas nakakaalam at mas mahalaga kaysa sa mga simpleng mamamayan. Ngunit kung susuriin natin ng maayos ang sitwasyon, ang mga ordinaryong mamamayan ang mas may kapangyarihang magpasya para sa kanilang bansang ginagalawan, at ito ay malinaw na nasasaad sa ating Saligang Batas: “Ang kapangyarihan at awtoridad ay pag-aari ng mga mamamayan at ang ating bansa ay isang bansang demokratiko na ang soberanya ay nasa kamay ng mga mamamayan“.

                                    Filipino community in Rome with Loida Nicolas Lewis

 

Ang kapangyarihang ito ay sandatang nagagamit natin tuwing magkakaroon ng eleksyon kung saan tuwiran nating pinagiisipan at pinipili ang mga lokal at nasyonal na opisyal na uugit sa ating bansa.

Mahigit kumulang na dalawang buwan na lamang at muling magagamit ng mga mamamayan ang kanilang kapangyarihan na pumili ng kanilang lider. Ito ay isang salik na kung maisasagawa ng maayos ay magbibigay ng malaking pagbabago sa ating bansa dahil kaakibat nito ang pagluklok sa puwesto ng mga lider ng gobyerno na nangangakong makakatulong sa pagpapataas ng estado ng ating ekonomiya at mapabuti ang estado ng ating lipunan sa pamamagitan ng mga mahahalagang pangunahing serbisyo tulad ng mga serbisyong pang-edukasyon, pangkalusugan, pabahay, hanapbuhay, at iba pa.

                                    Filipino Community in Naples with Loida Nicolas Lewis

 

Ang tamang pagboto ay hindi lamang ang simpleng pagitim ng bilog sa balota kahit na walang kasi¬guruhan kung itinapat ba ito sa karapat-dapat na pangalan. Kaya hindi pa rin natin makita ang pinuno na mangunguna tu-ngo sa isang mayabong at maunlad na Pilipinas ay dahil hindi pa natututunan ng karamihan sa mga mamamayan kung paano pumili ng isang mahusay at epektibong lider ng bayan.

Ito ang pangunahing dahilan kung bakit si Atty. Loida Nicolas-Lewis ay nagpunta sa Italya at sa iba pang mga bansa: ang magbahagi ng magandang idea sa mga boboto sa nalalapit na halalan. Kailangang sugpuin ang korapsyon, ang kanser na unti-unting pumapatay sa ating bansa. Kailangang mamulat ang bawat isa sa katotohanan na mayroon tayong magagawa. Ang boto ng bawat isa ay mabisang sandata sa paglaban para sa gobyernong malinis mula sa korapsyon. Ang panawagan para sa tunay na pagbabago sa ating sistema ng pamamahala ay makakamit kung ating iluluklok sa pwesto ang mga lider na may tunay na hangaring maglingkod sa sambayanan, at hindi ang mga pulitikong nais lamang ipagpatuloy ang kanilang mga dinastiya at lustayin ang kaban ng bayan. Nasa kamay natin ang pagkakataon upang ito ay makamit, at tulad ng pahayag ni Atty. Loida Nicolas-Lewis “2016:Our time to rise“, ngayong 2016 ay ang tamang taon para sa ating pagbangon.

                                    Filipino Community in Florence with Loida Nicolas Lewis

 

Gayunpaman, sa ginanap na forum ay naghihikayat si Atty. Loida Nicolas-Lewis sa mga Pilipino na piliing ipagpatuloy ang Tuwid na Daan sa nalalapit na eleksyon.

 

ni: Quintin Kentz Enciso Cavite Jr.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Refugees, libreng maglilinis sa lungsod ng Turin

Sanatoria o regularization para sa mga undocumented, mayroon ba?