Ang OWWA sa Philippine Consulate General sa Milan ay nagpapatupad ng bagong sistema ng nagpapahintulot sa mas mabilis na proseso at pagsusuri sa rekord ng bawat Filipino worker na miyembro ng OWWA.
Milan, Marso 14, 2016 – Sa pamamagitan ng OWWA Membership Verification System, ang database system na naglalaman ng lahat ng record ng mahigit dalawang milyong miyembro ng OWWA sa buong mundo, ay inaasahang magiging mas mabilis ang proseso at pagsusuri sa rekord ng bawat Filipino worker na miyembro ng OWWA. Sa Milan, tinatayang may 30,000 OFW na miyembro ng OWWA.
Sa isang press release na inaprubahan ni Consul General Marichu Mauro, ay ipinaaabot ni Welfare Officer Jocelyn Hapal sa mga miyembro na sa ipinatutupad na bagong sistema ay mabilis na makikita ang record ng isang miyembro, kasama ang mga datos tungkol sa trabaho at pinanggalingan sa Pilipinas: mga datos na mahalaga para sa Welfare Officer sa pagtugon sa panahon ng kagipitan ng OFW.
Gayunpaman, binigyang-diin na ang mga datos na nabanggit ay nananatiling lihim at tanging ang Welfare Officer lamang ang maaaring maglagay ng karagdagang datos at tumingin nito. Hindi maaaring ipaalam o ipakita sa iba, indibidwal man o grupo, organisasyon man o pribado. May sadyang security features ang sistema na sinisiguro ang confidentiality ng bawat record.
AT dahil ang sistema ay internet-based, mabilis na makakapaglagay ng record sa mismong oras ng renewal ng membership. Ito ay nangangahulugan na kailangan lamang ipakita ang mga orihinal na dokumento tulad ng pasaporte at alin mang katunayan na may kasalukuyang trabaho tulad ng bustapaga o resibo ng pinabayaran sa Inps. Hindi na kailangan pang magdala ng kopya ng mga dokumento at magpasa ng Information Sheet kung dati nang may record ang isang miyembro at wala namang binago sa dati nang mga datos. Mabilis na mailalagay sa database ang renewal ng OWWA membership.
Ayon pa sa press release, ang sistema ay kayang kumuha ng image o picture ng isang OWWA member kaya’t masisiguro na ang tanging may-ari lamang ng mga dokumento ang siya mismong nagsadya para sa membership.
Sa susunod na panahon, tulad ng mababasa sa press release, nais rin na isagawa ng OWWA ang magkaroon ng individual ID para sa lahat ng miyembro, base sa nakatala sa database.
Ang bagong sistema ay isa sa mga programa ng OWWA upang mapabilis ang serbisyo at mapangalagaan ang interes ng bawat OFW na miyembro nito.