Ano nga ba ang zika virus? Narito ang mga dapat malaman tungkol sa ZIKA VIRUS DISEASE mula sa FNA – Rome.
Kabi-kabila ang balita tungkol sa zika virus. Ano nga ba ito? Ang Zika ay ahon sa pangalan ng kagubatan ng Uganda, kung saan nagsimulang matuklasan ang virus na ito noong 1947. Ito ay inihahambing sa dengue fever, yellow fever, Japanese encephalitis at West Niles viruses.
Idineklara ng World Health Organization (WHO) na isang public health emergency of international concern ang zika virus, na ngayon ay kalat na sa 29 na bansa. Ayon sa Communicable Disease Center ng Estados Unidos, ang zika ay matatagpuan sa mga bansa ng South America gaya ng Brazil, Bolivia, Cape Verde. Subalit, naitala na mayroong 2 na kaso ng zika virus disease dito sa Italya nitong buwan ng Pebrero lamang. Sila ay nagmula sa biyahe galing sa bansa ng French Polynesia. Posible ang nasagip nilang strain ay ang Asian lineage na zika virus. May 2 lineage ang zika virus: African lineage at Asian lineage.
Ang zika virus disease ay dulot ng zika virus (miyembro ng pamilyang Flavivirus), isang virus na hatid ng isang uri ng babaeng lamok na Aedes aegypti. Ito rin ang uri ng lamok na nagdudulot ng sakit na Dengue fever. Karaniwang sintomas ng sakit ay parang trangkaso. Sintomas na parang dine-dengue pero negatibo sa Dengue test. Makakaranas ng lagnat, pantal o rashes, pananakit ng kasukasuan, at pamumula ng mata na parang sore eyes. Ang mga sintomas na ito ay karaniwang tumatagal ng ilang araw hanggang isang linggo mula sa pagkakagat ng lamok. Ito ay sinusuri sa pamamagitan ng dugo, ihi o laway kung positibo sa zika virus RNA.
Noong una, sa mga unggoy (rhesus monkeys) lamang ang transmission ng virus na ito (mosquito-monkey-mosquito cycle), hanggang sa taong 1952, naitala ang pagkahawa sa mga tao (mosquito-human-mosquito cycle).
Isang paraan sa pagkalat ng zika virus ay kapag nakagat ang isang pasyenteng may sakit, puwedeng makuha ng lamok ang zika virus mula sa pasyente. Dahil dito, magdadala na ang nasabing lamok ng zika virus. Ang virus ay naipapasa rin sa pamamagitan ng walang proteksiyon na pakikipagtalik, blood transfusion, at sa pagbubuntis.
Ito ay ikinababahala ng mga awtoridad sapagkat maaaring mahawa ang isang buntis lalo na sa kanilang unang tatlong buwan ng pagbubuntis dahil malaki ang posibilidad na miscarriage o microcephaly ang kahahantungan ng kanilang sanggol. Ang microcephaly ay ang komplikasyon na dulot ng zika virus sa mga nagbubuntis. Ito ay ang pagiging maliit o hindi normal na laki ng ulo ng sanggol at hindi fully developed ang utak nito. Sa kalaunan, ito ay nakamamatay.
Bukod sa microcephaly, maaari ring magkaroon ng problema sa Central Nervous System ang pasyente. Inaalam na rin ang kaugnayan ng zika virus sa pagkakaroon ng Guillain-Barrè Syndrome na isang autoimmune disorder na nakakaapekto sa paghina ng muscles. Makakaramdam ng manhid na paa, binti, at kamay sa umpisa; panghihina ng paa hanggang sa manghina ang buong katawan; hindi o mahirap makalakad; cramps na binti; hirap makahinga, magsalita o lumunok; at, hindi makontrol na pag-ihi o pagtae.
Walang gamot para sa zika virus disease. Ngunit maaaring uminom ng gamot para sa pagpawi ng lagnat tulad ng Paracetamol. Iwasang uminom ng Aspirin o UNSAIDs sa kadahilanang maiwasan ang pagdurugo kung sakaling ang laboratory test ay magpositibo ng dengue fever. Uminom ng maraming tubig. At mas makakabuti sa katawan ang pagpapahinga.
Gawin lahat ng paraan para hindi makagat ng lamok. Magsuot ng mahabang pantalon at baro. Piliin ang makapal na baro na hindi aabot ang kagat ng lamok. Maglagay ng insect repellant o lotion laban sa lamok. Gumamit ng kulambo o maglagay ng screen sa mga bintana. Maging malinis sa paligid. Kailangang sirain ang mga lugar kung saan maaaring mamugad ang lamok partikular na ang mga lugar na may tubig na hindi natatakpan. Mag-spray ng insecticide. At sa mga buntis o balak magbuntis, huwag munang maglakbay sa mga bansa na may zika virus.
Subalit posibleng ilabas sa katapusan ng taong ito ang bakuna para sa zika virus. Gayunman, nilinaw ni Canadian Scientist Gary Kobinger, developer at bahagi ng consortium na nagtatrabaho para sa vaccine na para lamang sa emergency use ang ilalabas na bakuna. Ang unang stage aniya ay isusubok ang naturang bakuna sa tao sa buwan ng Agosto at kapag nagtagumpay ang testing ay uubra na itong gamitin sa public health emergency sa Oktubre o Nobyembre.
Loralaine R. – FNA-Rome
Sources: www.kalusugan.ph, www.wikipedia.org,
www.newscentral.ph, www.who.org