Tumaas na ang bilang sa 33 ang mga nasawi at 130 ang mga sugatan sa apat o marahil ay lima o higit pa sa naganap na mga pagsabog sa Belgium ngayong umaga.
Marso 22, 2016 – Tumaas na ang bilang sa 33 ang mga nasawi at 130 ang mga sugatan sa apat o marahil ay lima o higit pa sa naganap na mga pagsabog sa Belgium ngayong umaga.
Dalawang pagsabog sa Zaventem airport sa Brussels bandang alas 8 ng umaga: una malapit sa check-in area ng American Airlines at ang ikalawa ay malapit sa Starbucks. Ayon sa mga nakasaksi, bago ang pagsabog ay nakarinig muna ng putok ng baril at sigaw sa Arabic language.
Sa parehong oras, sa subway naman ng capital ng Europa ay nagkaroon ng tatlong pagsabog, sa Maalbeek station sa Brussels.
Mayroon din umanong pagsabog sa Schuman ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa itong kumpirmasyon.
Kasalukuyang 33 ang mga biktima at sa kasamaang palad ay inaasahan pang tumaas sa mga susunod na oras.
Ayon sa mga report, inaasahang “suicide attack”, ang dahilan ng mga pagsabog.
Itinaas sa antas na 4 o sa “highest terror alert” ang bansa, isinara lahat ng istasyon ng treno at mga subway at ganap na paralisado ang trapiko upang bigyang priyoridad ang mga awtoridad at ambulansya.
Mabilis namang isinara ang frontier sa pagitan ng dalawang bansa: France at Belgium.