in

AMA KO PATAWAD

Ama ko, patawad po sa aking mga kasalanan. 

Sa Krus na kahoy ay ipinako Ka

Nang Iyong tubusin ang pagkakasala

Sugat sa balikat na Iyong binata

Nagsilbing liwanag ng mundong kay ganda

Ikaw ay inapi niyong mga hunghang

Niyong mga hudyong kaluluwa’y halang

Dahil sa tindi ng aking kasalanan

Lahat ng pasakit ay Iyong nakamtan

Ika’y pinutungan ng koronang tinik

At pinainom Ka ng apdong kay pait

Tinanggap Mong lahat ang mga paglait

Sa kamay ng mga taong malulupit

Binigyan Mo ako ng buhay at lakas

At inilagay Mo sa tronong mataas

Ginawa Mo akong marunong na pantas

Upang masundan ko ang tuwid na landas

Ngunit ako’y taong sobrang nang abuso

Hindi ko sinunod ang mga utos Mo

Sa tuwid na landas ay lumihis ako

At aking pinili daang maka-mundo

Tawag ni satanas ay aking dininig

Bawat alok niya ay aking kinabig

Namungad sa puso ang matinding galit

At nalimutan ko tamis ng pag-ibig

Ang kasalanan ko ang naging pabigat

Sa Krus na pasan mo sa iyong balikat

Masaganang dugong nagmula sa sugat

Ang siyang humugas sa sala ng lahat

Ngayong ako’y balot ng pagkakasala

Sa pasan mong Krus naging pabigat pa

Kahit ko sunugin aking kaluluwa

Kulang pang ibayad sa ‘Yong pagdurusa

Kay bigat ng aking naging kasalanan

Na ipinatong ko sa Krus Mong pasan

Ngayon ang hiling ko ay kapatawaran

Sa kasalanan kong pinagsisishan

Sa araw na ito ng Mahal Na Araw

Poon ko patawad ang tangi kong sigaw

Nawa’y manguna Ka sa bawat kong galaw

At Iyong punuin ang puso kong uhaw

ni: Letty Manigbas Manalo

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Remittance ng mga Pinoy, ikatlo sa pinaka mataas sa Italya!

Bilang sa bawat Probinsya ng Decreto Flussi 2019, inilabas ng Minisrty of Interior