in

Kilalanin ang mga ‘Presidentiables’

Kabayan, maikling pagpapakilala sa mga ‘presidentiables’. Nakasalalay sa iyo ang pagpili. Bumoto at huwag sayangin ang karapatang ito!

 

Sa darating na Mayo 9, 2016, ang Pilipinas ay nakatakdang pumili muli ng bagong Presidente ng Pilipinas. Isang karapatang nasasaad sa kontitusyon kung saan ang bawat Pilipino mula18 taong gulang at rehistrado ay masusing pipili sa mga opisyal na kandidato batay sa mga nagawa sa lipunan at sa inilalahad na plataporma.

Ang mga Pilipinong nasa labas ng bansang Pilipinas sa pamama-gitan ng Republic Act No. 9189 o Overseas Absentee Voting ay makakapili rin ng mga nais mamuno ng Pilipinas simula Abril 9 hanggang Mayo 9 sa mga Embahada o Konsulado na siyang magsisilbing pook halalan. 

Sa national election ngayong taon ay may limang opisyal na mga kandidato. Narito ang kanilang maikling kasaysayan, pinag-aralan at plataporma na isasakatuparan kung papalaring manalo sa nalalapit na halalan.

JEJOMAR CABUATAN BINAY Sr.

73 taong gulang, ipinanganak noong Nobyembre 11 , 1942 sa Paco Manila. Solong anak nina Diego Medrano Binay, isang librarian at ni Lourdes Cabuatan na isa namang guro. Napangasawa si Elenita Binay at nagkaroon sila ng limang anak .

Edukasyon : Siya ay nag-aral ng elementary at High School sa Philippine Normal College. Nagtapos ng abogasya sa University of the Philippines noong 1967. Tinapos niya ang kanyang Masteral Degree sa University of Santo Tomas. Nakilala bilang isang batikang Human Rights lawyer noong panahon ng Martial Law at ipinagtanggol niya ang mga naaapi ng diktaturang rehimen ng walang bayad.

Politika: Si Jejomar Binay ay ang kasalukuyang Bise Presidente ng bansa Naunang nagsilbi sa publiko bilang Chairman ng MMDA (1998-2001) at mas nakilala sa matagal na panunungkulan bilang Mayor ng Makati (2001-2010). Siya ay kasapi ng partidong United Opposition (2005-2010). Naging kapartido din ng PDP-Laban (2010-2014) at isa sa mga bumuo ng bagong pwersa politika, ang UNA o United Nationalist Alliance. Kasama niyang kandidato bilang Bise Presidente si Gregorio Gringo Honasan.

Plataforma: Ayon kay Binay, kung siya ay papalaring maging Presidente ay ipatutupad niya ang pagtaas ng sweldo ng mga pampublikong trabaho at pag- iibayuhin ang edukasyon, kalusugan at seguridad ng bansa. Nasa programa din niya ang bagong disenyo ng tranportasyon, mga kalsada at mga tulay na maghahatid ng bagong trabaho. Isusulong din niya ang pagsusog sa ating konstitusyon upang mapadali ang pagtaas ng ekonomiya at pag-unlad ng bayan.

MIRIAM SANTIAGO- DEFENSOR

70 taong gulang, ipi-nanganak noong Hunyo 15, 1945 sa IloIlo. Katoliko. Anak nina Benjamin Defensor, dating hukom at ni Dimpna Palma na dati namang Dean ng isang kolehiyo. Napangasawa niya si Narciso Santiago Jr at sila ay may dalawang anak na lalaki.

Edukasyon: Isang matalinong mag-aaral. Siya ay nag-aral ng BA Political Science sa UP Visayas (Magna Cum Laude) at nagpatuloy ng abogasya sa U P Diliman (Cum Laude). Nagtapos ng Masteral on Juridical Science sa Ann Harbor Michigan University. Ngayon ay nagtuturo siya ng Law at Political Science sa Trinity University of Asia.

Politika: Noong 1991 ay itinatag niya at leader hanggang ngayon ng PRP o People’s Reform Party. Siya ay kasalukuyang senador ng Republika buhat pa noong 2004. Subalit bago pa man ay nanungkulan din siyang Secretary of Agrarian Reform sa pamunuan ni Corazon Aquino(1989-1990) at Hukom ng International Criminal Court (2011-2014). Kasama niyang tatakbo si Ferdinand Bong Bong Marcos sa pagka Bise Presidente.

Plataforma: Ipinangako ni Miriam ang masugid na paglilitis at pagsugpo ng pork barrel system sa gobyerno. Isusulong niya ang mataas na patakaran ng good governance o malinis na pamumulitika at administrasyon. Katulad din ng ibang mga kandidato ay mayroon din siyang mga programa upang masugpo ang ipinagbabawal na gamot at nais magkaroon ng malawak na pagbabago sa buwis upang mapangalagaan ang ekonomiya at hindi ito bumaba sa 3% ng GNP.

RODRIGO DUTERTE

70 taong gulang, ipinanganak noong Marso 28, 1945 sa Maasin Leyte. Siya ay anak nina Vicente Duterte na isang abogado at ni Soledad Roa isang guro. Katoliko. Unang napangasawa si Elizabeth A. Zimmerman ngunit sa kanyang ikalawang asawa nagkaroon ng apat na anak.

Edukasyon: Si Digong, para sa nakararami, ay nag-aral sa Sta. Ana Elementary School sa Davao City zt Holy Cross Academy sa Digos City ng high school. Nag- aral din ng BA Political Science sa Lyceum of the Philippines. Itinuloy niya ito upang maging ganap na abogado sa San Beda College of Law(1972).

Politika: Matapos ang pag-aaral, siya ay bumalik sa Davao upang maging state prosecutor. Makatapos ang EDSA Revolution ay naatasan siyang maging OIC-Vice Mayor hanggang sa siya ay opisyal na mahalal bilang Mayor (1988-1998). Pagkatapos, ay nahalal bilang Congressman ng First District ng Davao City(1998-2001). Kumandidato at muling nahalal na Mayor kung saan ang siyudad ay nagkaroon ng malawakang pag-unlad. Simula nang pumasok sa politika ay aktibong kasapi ng partido PDP-Laban . Kasama niyang kandidato bilang Bise Presidente si Allan Peter Cayetano.

Plataforma: Nanganagko si Digong na sa loob ng anim na buwan ay lilinisin niya ang bayan sa lahat ng krimen at kaguluhang dulot ng bawal na gamot. Susugpuin ang mga corruption cases sa gobyerno. Nangangako din siyang itataas ang sahod ng mga guro, pulis, sundalo at mga naninilbihan sa gobyerno. Ang lahat ng mga pangako ay nakasalalay sa kanyang programang baguhin ang presidential format ng gobyerno at isulong ang Federalismo bilang bagong uri ng pamahalaan.

GRACE POE LLAMANZARES

47 taong gulang, ipinanganak noong Setyembre 3, 1968 sa Jaro City. Katoliko. Siya ay ampong anak nina Fernando Poe Jr at Susan Roces na mga sikat na artista. Napangasawa niya si Neil Llamanzares at sila ay nagkaroon ng tatlong anak.

Edukasyon: Nag-aral sa U P Manila kung saan siya ay nagtapos ng BA Development Studies. Nanirahan sa Fairfax Virginia USA at doon nagtapos ng BA Political Science sa Boston College sa Massachusettes. 

Politika: Kasalukuyang miyembro ng Senado. Matatandaang ang kanyang ama ay lumaban sa pagka-presidente at tinalo ni Gloria M. Arroyo. Muling nagbalik sa Pilipinas nang sumakabilangbuhay ang ama upang ipagpatuloy ang naiwan ng ama sa politika. Naatasan siyang mamuno sa (MRTCB) o Movie and Television Review and Classification Board at noon namang 2013 ay tumakbo siyang senador kung saan umani ng pinakamaraming boto (higit sa 20M). Siya ay tumatakbong independente kasama si Chiz Escudero bilang Bise Presidente.

Plataforma: Hinango sa plataforma ng kanyang kandidatura sa senado noong 2013, siya ay nangangako na mabibigyang lunas ang kahirapan sa pagbibigay ng mga oportunidad sa ating mga kabataan. Nais din niyang baguhin ang regulasyon sa pagboto o electoral reform , ang trabaho para sa lahat lalo na din sa mga disabled o handicapped na Pilipino. Isa sa mga nais niyang sugpuin ay ang sex slave at child pornography na laganap sa bansa at mabigyan ng pantay na pagtingin sa mga kababaihan lalo na sa trabaho. 

MANUEL ARANETA ROXAS II

58 taong gulang, ipinanganak sa Quezon City noong Mayo 13, 1957. Katoliko. Anak nina Gerardo Roxas, dating Senador at Judy Araneta. Noong 2009 ay nagpakasal sila ni Korina Sanchez at mayroon silang isang anak.

Edukasyon: Nagtapos ng elementary at high school sa Ateneo de Manila University. Nanirahan at nag-aral sa University of Pennsylvania sa Philadelphia kung saan natapos niya ang kursong BS Economics. Pansamantalang nanirahan sa New York at nagtrabaho bilang Investment banker sa Allen & Company.

Politika: Ang biglaang pagpanaw ng kanyang kapatid na si dating Congressman Dinggoy Roxas ang siyang nagbunsod sa kanya sa politika noong 1993. Siya ay nahalal na Congressman (1993-2000). Napiling Secretary of Trade and Industry (2000-2003) at naging Senador (2004-2010). Sa pamumuno ni Presidente PNoy Aquino ay muli siyang naging miyembro ng Gabineto bilang Secretary of Transportation and Communications(2011-2012) at kasa¬ukuyang nakaupo bilang Secretary of the Interior and Local Government. Siya ay miyembro at standard bearer ng Ruling Party ang Liberal Party.

Plataforma: Bilang pinili ng papalabas na Presidente ay ipagpapatuloy niya ang mga nasimulang adhikaing politikal, ang Daang Matuwid. Kasama sa 16 na usapin ang korapsyon, ang pagpapa-unlad at pagbabago sa edukasyon, ekonomiya, usaping pangkalusugan at hustisya, ang pagsusulong ng gender equality sa publiko at pribadong sektor, katahimikan at disiplina ng mga mamamayan at ang paggalang at pagmamahal sa kalikasan.

ni: Tomasino de Roma

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

False hiring sa halagang 7,000 euros para magkaroon ng permit to stay

Citizenship, magpapatuloy ang diskusyon bukas sa Senado