Kasalukuyang iniimbistigahan ang dahilan ng pagsabog. Dalawa ang pinaghihinalaang dahilan: isang short circuit ng refrigerator o singaw ng lpg gas. Biktima, isang 48 anyos na Pilipino.
Roma, Abril 4, 2016 – Sa basement ng bar Ciampini na matatagpuan sa San Lorenzo in Lucina, isang sunog na sinundan ng isang pagsabog ang naging sanhi ng pagkamatay ng isang Pilipino, 48 anyos. Ang biktima ay si Elmer Bauzon Magcawas, tubong Batangas at may 3 anak.
May sampung taon na ring naka-bisikletang pumapasok sa kanyang trabaho, ‘tuttuo fare’ o all around ang trabaho ni Elmer sa kilalang Ciampini bar na paboritong puntahan ng mga vip, mga politiko at mga turista, na malapit sa Via del Corso, Montecitorio at Palazzo Chigi.
Bandang alas onse ng umaga kahapon ng nagtakbuhan papalayo ang mga kliyente matapos mapuna ng mga ito ang itim na usok mula sa isa sa mga haligi ng bar. Makalipas pa ang ilang saglit, sinundan ito ng pagsabog, marahil ay nagmula sa basement.
Dalawang kasamahan ni Elmer ang nakaligtas at mabilis na naka-akyat mula sa basement. Sa kasamaang palad, binawian ng buhay sa Elmer, alas dose ng tanghali matapos isugod ng ambulansya sa Santo Spirito hospital.
Ayon sa Repubblica, sobrang usok ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay matapos makulong sa elevator sa pagtatangkang makalabas mula ng basement kung saan matatagpuan ang warehouse, refrigerator at laboratoryo o kusina ng nasabing bar.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga carabinieri at vigili del fuoco sa tunay na sanhi ng insidente.
Ayon naman sa report ng Corriere della Sera, isang carabinieri, na kasalukuyang nasa serbisyo kahapon para sa derby, ang nagtangkang bumaba sa basement ngunit hindi kinaya at kinailangang bumalik. Ang mga bumbero naman ay kinailangangan gumamit ng breathing apparatus upang makababa sa basement. Apat umanong mga lpg gas ang natagpuan sa basement na kasalukuyang iniimbistigahan kung ito ba talaga nag naging sanhi ng insidente o isang short circuit ng refrigerator.