Pasasalamat sa lahat ng tumugon at patuloy ang panawagan sa sinumang nais pang tumulong.
Roma, Mayo 3, 2016 – Ginanap ang funeral mass ng huling pamamaalam kahapon, May 2 para kay Miriam Maramot, ang 44 anyos na namatay sa bahay ng kanyang employer sa Parioli Roma. Nakatakdang makarating ang bangkay nito sa Naujan Mindoro bukas May 4 tulad ng kahilingan ng anak nito na si Rome John Maramot Baculo, 22 anyos para sa isang disenteng pagpapalibing.
Pinangunahan ni Father Arnel De Villa ang misa sa Sant’Andrea Church. Dumalo at nakidalamhati ang mga malalapit na kamag-anak at kaibigan ni Miriam.
Lubos naman ang pasasalamat ni Robin Mendoza, ang pinsan ni Rome Hamelton na nagmungkahi ng crowfunding para sa repatriation ng bangkay ng ina, sa positibong sagot ng maraming kababayan sa naging panawagan.
“On behalf of Rome Hamelton and my entire family, we would like to thank all of you for your support. Any further contributions from you would be most highly appreciated. Thank you”, tulad ng mababasang post sa social network ni Robin.
Samantala, mula ng lumabas ang resulta ng autopsy (natural death) ay tila hindi na ma-contact at ayaw ng makipag-usap ng employer ni Miriam. Noong una, sina Marco at Marina, mga amo ni Miriam, ay handang-handang tumulong sa repatriation ng bangkay ngunit ng lumaon na ay nagkaroon na ang mga ito ng maraming dahilan ng pag-iwas, isa na dito ang pagsasabing may utang pa umano ang Pinay colf sa kanya.
Gayunpaman, patuloy ang panawagan ng malalapit na kamag-anak nito sa Roma sa sinumang nais pang tumulong.
“Mayroon pa pong naiiwang bayarin sa funeral service”, ayon kay Boyet Hernandez Belen, ang malapit na kamag-anak ni Miriam.
Kaugnay nito, pasasalamat po buhat sa bumubuo ng pahayagan at sa pamamagitan ng ating pagbabalita ay mayroong tumugon sa naging panawagan ng anak at kamag-anak ni Miriam tulad ng Migrante Milan.
ni: PGA