in

Halalan 2016: Social Media, Simbahan at mga parulatsa na nagpanalo kay Mayor Duterte

Halalan 2016: Eleksyong pinaka-abangan, pinakamasigla, nilahukan at binantayan ng mamamayan.

 

Florence, Mayo 13, 2016 –  Ito rin ang halalan na record breaking, 15.881 milyong boto  o 38.5% ng kabuuang bilang ng botante. Sa kauna-unahan pagkakataon, isang pangulong makakaliwa (leftist) ang naluklok sa pinakamataas na pwesto sa bansa.  Pangyayaring nagpakilos sa pinakamalawak na bilang, bumuhay sa boluntaryanismo at nagbasura sa vote buying. Ito ang boto para sa pagbabago o protest vote sa ibang salita.

Naglitawan din ang mga luma at bagong balarila. Kagaya ng ikaw ang epal, burgis, elit (elite), left at far-left, isa-ka pa, foundlings, keyboard warrior, para sa pagbabago at ang pamosong TANG-___. Nagpahusayan ang mga TEKI ng pag-retoke sa  mga larawan sa Social Media. Kani-kaniyang gimik para lamang maipakilala ang kani-kanilang pambato sa panguluhan. Litaw din ang pagiging di parehas  ng malalaking Media Network  kaya inulan ito ng batikos. Ganoon pa man, ito na yata ang eleksyong  pwedeng sabihin na di masyadong magulo sa lahat ng eleksyong nagdaan.

Social Media

Masasabing Social Media ang susing sangkap upang ipanalo ang isang kandidato. Nagamit ito upang makapag-oragnisa ng mga grupo, makapagbuo ng makinaraya, mahadlangan ang pandaraya, makapaglinaw ng plataporma, maisapubliko ang mga nangyayari sa pinakamablis na panahon, gumawa ng intriga, makapanira at sa huli pag-amin ng pagkatalo.

Sa FB 24/7 ang balita. Palaging umuusok ang mga propaganda. Nahinto ang mga telenovela. Saglit na nawalan ng silbi ang “idiot box” o telebisyon, tila di na uso ang radyo dahil sa tweeter. Kumpleto ang bawat eksena na makikita sa Internet. Isang pagkakamali , kagyat na mapapansin. Bawat pangako, nakarehistro. Bistado ang mga sinungaling. Walang lusot ang gustong mandaya. 

Sadyang napakalaki ng impluwensya nito sa naging resulta ng eleksyon. Dati, artista ang panghakot sa mga rally at miting de avance. Noon , halos di na makita ang daan dahil sa sangkatutak na poster. Dahil dito naging madali ang impormasyon.  Isang click lang nakabalita na. Saan, kailan, anong oras at sinong kandidato ang darating. High-tech na talaga maging ang pagpili. Ang balita sa Europa, Amerika, Gitnang Silangan at Asya ay keyboard lang ang katapat.

 

 

 

Simbahan

Kahit pa sinasabi ng Saligang Batas ang paghihiwalay ng Estado at Simbahan – sa panahon ng eleksyon, limot ito. 

Maraming Obispo , Pastor, Madre, Diakono, Laiko ang nagpaligsahan sa pag-endorso at pangangampanya. Halos lahat ay may inendorso. Pansamantalang huminto ang tunggalian sa pagitan ng magkakaibang doktrina. Bumaling sa usaping sino ang dapat maging presidente ng bansa. 

Katulad ng inaasahan maraming kandidato ang naging maingat sa mga usapin tulad ng Death Penalty na mahigipit na tinututulan ng Simbahan.  Same Sex Marriage – dahil sa Biblia, tanging babae at lalaki lamang ang maaring maging magkapangasawahan.  Reproductive Health Law , kumukilala sa kapasyahang magbuntis, magpalaglag at gumamit ng contraceptives – usaping di tanggap ng sektor.

Makikita din sa halalang 2016 ang paglahok ng mga pinuno ng simabahan sa partylist. Di man malinaw kung anong sektor ang kanilang dinadala o isyu na ikinakampanya, klaro man sa ating Konstitusyon na ipinagbabawal ito, sablay man na gamitin ang salita na Diyos, naging mapagpasya pa rin ang kanilang mga pinuno. Sa halalang 2016, ang boto mula sa mga taong simbahan ay isa sa naging mapagpasya sa pagkapanalo ng mga kandidato.

COMELEC at mga OFW sa Italya

Sa mahigit 60 libong  botante sa Italya, hindi umabot sa 15 libong o 30% ng mga rehistrado ang nakaboto.

Sa tingin ng mga mangagawa, dahilan ang kawalan ng tao mula sa COMELEC.  Nakaapekto rin ang pagkuha sa  mga opisyal at empleyado  mula sa embahada at mga konsulado sa pang-araw-araw na serbisyo sa mga OFW.  Dahil dito hindi kagyat na matugunan ang mga katanungan at kahilingan ng mga Filipino Community sa tuwing may lumilitaw na usapin kaugnay ng eleksyon.  Problema noon ay problema pa rin ngayon. Tulad ng masinop at maayos na listahan ng botante at mga adres. Balota na di nakarating sa panahon, nawala sa listahan, patay na nakatanggap ng balota, di nagparehistro pero may dumating ng balota.

Bagamat mas marami ang nailunsad na “ballot casting” ang PCG Milan kumpara sa PE Rome, mapapansin na mas malaki ang bilang ng boto na nakalap sa (Timog) saklaw nitong hurisdiksyon.  Malaki ang naging pagsusumikap ng Embahada at Konsulado sa Italya, bagaman nakapagpagulo  ang pagamit ng mga terminolohiya tulad ng “casting of ballot, modified voting” na maari sanang pasimplihin para makaakit sa mga botante na lumabas at lumahok sa halalan.  Ang ilan ay di na talaga nakisangkot sa katwiran na wala namang signipikanteng pagbabago sa lipunan matapos ang papalit-palit na pangulo ng bansa.

Bukod sa Social Media, malaki ang naitulong ng mga Samahan at Organisasyon sa mataas na resulta ng boto kumpara sa nagdaang eleksyon noong 2013. Kung naipatupad sana ang Field Voting o nagpadala ng VCM kung saan may mga Konsulado –marahil mas malaki pa ang bilang ng nakaboto. Dahilan din ang katangian ng Italya na kahit huwebes at linggo, marami ang may mga trabaho at di konsentrado sa sentro ang tirahan ng mga Pinoy.

Parulatsa (parolaccia) na akma sa panlasa ng mga Pinoy

Ayon sa mga analista, ang boto kay Mayor ay boto ng pagkayamot sa sistema.  Protesta laban sa bulok na pamamalakad ng mga nagdaang rehimen. Mula sa usapin ng MRT-LRT, trapiko,  mababang sahod ng mangagawa, kapulisan at kasundaluhan, mga guro at talamak na korapsyon , basura, kalamidad at pagkakait ng wastong serbisyo sa mamamayan.  

Tanging kandidato na nagmumura, nangduduro, nagbabanta at umaming nakapatay sa harap ng publiko. Sa telibisyon, radyo, diyaryo, magazine, hindi nangilag ni mag-alangan  na bitawan ang tawag natin na salitang kanto .  Matapang, diretso at marubdob ang mga salita. Katangian at karakter na nagdala kay Mayor Rodrigo Roa Duterte sa pagkapangulo.

Kauna-unahang Pangulo ng Bansa na popular sa kaliwa, kanan  at sa buong sambayanan.

 

ni: Ibarra Banaag

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Bonus cultura para rin sa mga dayuhang kabataan? Aprubado!

Villaggio Filippino, sa ikalawang taon sa Festival dell’Oriente