in

Kate Magsino, kinatawang kandidato ng ikalawang henerasyon sa Comune at Munisipyo ng Roma

“Ang aking kabataan at ang aking pagiging agresibong matuto at sinserong hangaring paglingkuran ang mamamayang magluloklok sa akin para sa ikagaganda ng hinaharap at ikauunlad ng lahat ng mga mamamayan sa Roma”, Kate Niccole Cabral Magsino.

 

 

Roma, Mayo 16, 2016 – Kate Niccole Cabral Magsino, 20 taong gulang. Tapos ng Liceo Classico at kasalukuyang kumukuha ng kursong Giurisprudenza o Law sa Universita’ La Sapienza habang nagta-trabaho sa isang kilalang insurance company. Tubong Mabini, Batangas ang amang si Arnel Magsino at tubong Naujan, Oriental Mindoro naman ang inang si Bhel Cabral, at ang kapatid na dose anyos ay katulad niyang sa Italya na ipinanganak. 

My father’s side is musically inclined kaya naman siguro nahiligan ko talaga ang pagkanta at hanggang sa ngayon binibigyan ko ng time despite my busy schedule”, ayon kay Kate. Bukod sa pagiging bahagi ng grupo ng mga mang-aawit na Pinoy, ang V.O.C.A.L.S, ang dalaga ay namumuno rin sa grupo ng mga kabataan sa Ormin Filipino Community kung saan kasalukuyang coordinator ang ina. 

Lumahok din po ako sa ilang patimpalak ng Mabini Hometown Association, kaya naman masasabi kong lumaki akong may pakikisalamuha sa tao”, dagdag pa ni Kate. 

Bukod sa mga nabanggit, isang bagong hamon ang hinaharap ng dalaga sa nalalapit na administrative election sa June 5, sa Eternal City. 

Ako po ay tumatakbo para maging Konsehala ng Roma sa Comune at Municipio XV”, pagmamalaking hayag ng dalaga. 

Ang maging kinatawan hindi lamang para sa kabataang FilItalian, kundi para sa lahat ng mga mamamayang sa Roma ang kanyang pangunahing layunin. 

Ang pagkakataong ito ay hindi ko po hiningi o hinangad, ito po ay inialok sa akin ng mga taong naniniwala sa maaaring nagawa ng isang katulad kong kabataan na kabilang sa kasalukuyang henerasyon ng mga bagong mamamayan dito sa Italya. Ang pagtanggap ko sa oportunidad na ito ay isang hamon, hindi lamang para sa aking personal na karanasan kundi para na rin sa nakikita kong pangangailangan ng mga Fil-Italian na isang mahalagang instrumentong nag-uugnay sa dalawang lahi, Pilipino at Italyano, sa malawak na usapin ng integrasyon”. 

 

 

May partikular bang karanasan na nagtulak sa iyo upang kumandidato? 

Lumaki po ako sa isang pamilyang manggagawa at ang aking mga magulang ay nagisnan ko ng may malalaking responsibilidad hindi lamang para sa aming pamilya, kundi para rin sa kapakanan ng mga miyembro ng komunidad. Ako po ay mamulat sa responsabilidad na ito at salamat sa aking mga magulang, Ang mga karanasang buhat sa iba’t-ibang kumunidad ang siyang nagbigay sa akin ng dagdag na lakas loob upang subukan ang hamong ito”. 

Sa palagay mo, sa paanong paraan ka maaaring manalo? 

Ang aking kabataan at ang aking pagiging agresibong matuto at sinserong hangaring paglingkuran ang mamamayang magluloklok sa akin para sa ikagaganda ng hinaharap at ikauunlad ng lahat ng mga mamamayan sa Roma. At ang aking pagiging isang mag-aaral, manggagawa, anak at higit sa lahat ang aking pagiging isang kabataang Fil-Italian na kakatawan sa aking henerasyon at maging ng nakalipas at paparating pa lamang. Para sa akin ay sapat na ang mga ito upang maging armas upang suportahan at kung papalarin, ay makapaglingkod sa inyong lahat“.

Ang iyong edad ba ay isang katangian o hadlang sa halalang ito? 

Aaminin ko po, pareho. Titingnan ng maraming tao ang pagiging bata ko, bilang isang depekto at ituturing naman ng iba bilang pag-asa! Pero buo po ang aking paniniwala na ang labang ito ay parehong magbibigay ng lakas sa aking kabataan at bubuo sa aking pagkatao para sa ikabubuti ng mga mamamayan. Sa bansang tumanggap sa atin at kinagisnan ko at nais ko ngayong paglingkuran. Messaggio ai tuoi elettori Kung sakaling ako po ay palarin na mabigyang pagkakakataong manalo, ako ay magsisilbing tulay at tagapamagitan upang kilalanin ang mga karapatang magbibigay ng pagkakataon sa lahat ng Fil-Italian professionals at maging sa mamamayang Pilipino dito sa Roma na alam kong may mataas na pinag-aralan at maaaring magamit para na rin sa ikauunlad hindi lamang ng ating buhay bilang mga Pilipino, ganun din sa higit na ikauunlad pa ng bansang Italya, maging ito man po ay sa usaping edukasyon, negosyo at trabaho. Para po sa inyong lahat ang labang ito at hindi lamang laban ng isang Kate Niccole Cabral Magsino, bagkus, ito ay laban nating lahat, laban ng ating mga magulang, ng inyong mga anak, para sa ating kinabukasan. Tulungan po ninyo ako na matulungan ko ang lahat ng mga mamamayan. Sa tulong ng mga boto ninyo maglalakbay ako para sa kinabukasan ng makabagong henerasyon ng mga Fil- Italian, para ngayon at para sa magandang kinabukasan“.

 

ni: PGA

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Analiza Bueno, kandidato bilang Konsehal sa Comune di Roma sa nalalapit na halalang lokal

FilCom, aktibo ang partesipasyon sa Festa dei Popoli