“Natuto, nag-enjoy at nakatulong pa!” ito ang naging bukambibig ng mga dumalo!
Florence, Hunyo 8, 2016 – Sayaw para sa Kalikasan. Tema sa naganap na talakayan sa Starhotels Michelangelo, syudad ng Firenze nitong nakaraang Hunyo 5, 2016.
Ito ay kaugnay sa paniniwala ng ating mga ninuno na ang pagsasayaw ay pagtawag sa Inang kalikasan na magbuhos ng ulan mula sa langit sa panahon ng tagtuyot. Isang ritwal na daan taon ng ginagawa ng mga katutubo, ng mga unang tao sa Pilipinas.
Pinamunuan ng OFW Watch Toskana at Migrante Firenze, ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng mahigit 90 ofw mula sa iba’t-ibang syuda ng rehiyon at mga samahang kaanib at kaibigan ng alyansa sa unang bahagi ng programa. Umabot naman ng 150 ang gabi ng sayawan.
Panauhing tagapagtalakay si Fr. Meng Barawid, isang paring Kamilyano. Nagtatrabaho bilang Chaplain sa Westmead Hospital, Australia. Tumatayo ding tagapayo ng Migrante New South Wales sa West Sydney. Naging Regional Director ng Kairos Philippines.
Tampok sa talakayan ang malaking epekto ng pagmimina at perwisyong dinudulot nito sa mga katutubo, magsasaka at sa buong komunidad na naninirahan sa lugar. Napatunayan na hindi pabor sa interes ng taong bayan ang malawakang pagmimina. Ang pakinabang ay napupunta lamang sa mga dayuhang kumpanya.
Laman ng Mining Act 1995 na may 5-10 taon na tax incentives, 100% na pagluluwas ng tubo at libre sa anumang pananagutan. Samantalang ang paglilinis ng polusyon ay naiiwang responsibilidad ng ating Gobyerno. Nagiging bulnerable ang mga tirahan, taniman, kabuhayan, dahil napapatag na ang mga bundok na humaharang sa malakas na hangin at rumaragasang tubig tuwing may bagyo. Nawawalan din ng tirahan ang mga ligaw na hayop na maaring panggalingan ng pagkain. Natutuyo ang mga ilog at nangamamatay ang mga punong nagbubunga ng mga prutas.
Sinabi rin ni Fr Meng Barawid na “ang tagtuyot at tagutom sa Mindanao ay kapabayaan ng Pamahalaan. Hindi binigbigyan ng pagpapahalaga ang kalikasan at kaligtasan ng tao”. Dahilan din kung bakit nagsisialis sa kanilang mga dating tirahan ang mga tao, ang iba ay nangingibang bansa para maghanap ng ikabubuhay.
Matatandaang nagkaroon ng barikada ang mga magsasaka sa Kidapawan na nanawagang ilabas ang pondo para sa kalamidad. Humihingi ng bigas na maisasaing subalit nauwi sa karahasan ng sila ay pagpupuputukan ng mga pulis.
Naging matagumpay ang talakayan at sayawan na dinaluhan ng Sentro Katoliko Empoli, FILCOM Empoli, UNIFIL Empoli, Cabalen, Timpuyog of Florence, Saranay, UKP-LK, DGPII, ConFed, KoR, Independensa Group, Komunidad Galluzzo .
Nagpamalas din ng tapang at husay ang Gabriela FI-EM sa kanilang pagsasayaw ng One Billion Rising. Pinaghalo-halong mostra ng indak, karate, padyak at kuyom na kamao laban sa pang-aabusong sekswal sa mga kababaihan.
Tinanghal na Reyna ng gabi para sa Kalikasan si Maricel Alvarado ng Saranay.
Tatlumpong-libong piso na halaga mula sa kinita ang maipapadala sa mga magsasaka ng Kidapawan sa pamamagitan ng Task Force Kidapawan.
“Malaking bagay na makatulong tayo sa mga kababayan natin. Huwag sana natin makalimutan na marami sa ating OFW dito sa Italya ang nagmula sa sektor ng magsasaka. Kung wala sila, walang pagkain ang mamamayan. Dapat bigas ang ibinigay sa kanila, hindi bala”, pambungad na salita ni Nelson Rabang, Pangulo ng OFW Watch Toskana.
ni: Ibarra Banaag