Tampok ang Pistang Pinoy sa magkasabay na pagdiriwang ng ikalawang taong anibersaryo ng Filcom Catania at paggunitasa ika-118 taong Araw ng Kalayaan
Catania, Hunyo 30, 2016 – Magkasabay na ipinagdiwang ng Filcom Catania ang ikalawang taong anibersaryo ng asosasyon at paggunitasa ika-118 taong Araw ng Kalayaan.
Hindi pangkaraniwang programa bagkus ay isang araw na inilaan sa Pistang Pinoy na kinagisnan sa Pilipinas ang ginanap noong Hunyo 19, 2016.
Itinampok ang mga larong lansangan tulad ng piko, patintero at tumbang preso, basagan ng palayok at mga pabitin na nilahukan at ikinatuwa ng mga kabataan.
Nakaagaw-pansin din ang ilang larong perya din tulad ng color game at putukan ng lobo.
Sa ginanap na selebrasyon ay malayang nakapaglaro ang mga dumalo lalong higit ang mga kabataan na hindi nakagisnan ang mga larong kalyeng nabanggit. Naging isang magandang pagkakataon ang pagdiriwang upang ituro sa kanila ang mga larong tanda ng kulturang Pilipino na marahil ay unti-unti nang nalilimutan kahit ng mga matatanda.
Bukod sa mga palorong ito, itinampok din ang mga street foods tulad ng fish ball, kwek-kwek, ice candy at turon.
Sa pagdiriwang ng ikalawang taong anibersayo, sa pangunguna nina Leni Vallejo at Gerardo Maat, layunin ng Filcom Catania na mapalalim pa, hindi lamang ang kaalaman bagkus pati ang pagmamahal ng mga kabataang ipinanganak sa Italya sa ating kultura.
Inaasahang ang mga susunod na aktibidad ay temang nauugat pa rin sa ating kultura at tradisyon ang kanilang itatampok.
Namahagi din ang asosasyon ng mga grocery items sa “Missionary della Carità” bilang pasasalamat sa mga biyayang patuloy nilang natatanggap.
Lubos ang pasasalamat ng lahat sa mga dumalo, nakibahagi, nakisaya at tumulong upang maisakatuparan ang makabuluhang pagdiriwang ng kanilang ikalawang taong anibersaryo at paggunita sa Araw ng Kalayaan.