Tampok ang kalagayan ng mga kababayan nating Lumad sa kulturang pagtatanghal sa Roma ng Kalahi Dance Ensemble.
Roma, Hulyo 12, 2016 – Matagumpay na ginanap ang LUMAD cultural show noong Linggo, Hulyo 3, 2016 sa Teatro Aurelio, Largo San Pio V, Roma kung saan muling ipinamalas ng Kalahi Dance Ensemble at iba pang mga panauhing tagapalabas ang kanilang husay sa pagsayaw at pag-awit.
Dinaluhan ng humigit kumulang na 200 katao at sinuportahan ng hindi lamang ng mga kababayang Pilipino kundi pati na rin ng mga Italyano, Latin Amerika at mga liders ng mga organisasyon at komunidad ng mga Pilipino sa Roma.
Sinimulan ang nasabing programa sa pamamagitan ng opening address at pagpapaliwanag ng layunin ng nasabing cultural show ni Bro. Buboy Sale (ICHRP-Rome Spokeperson) at sinundan ng panalangin mula kay Fr. Aris Miranda ng Camillian Task Force at tagapayo ng Socio Cultural Komite ng Sentro Filipino Chaplaincy.
Naging madamdamin ang kulturang pagtatanghal ng KALAHI DANCE ENSEMBLE dahil nakapatungkol sa kalagayan ng mga kababayan nating Lumad ang mga inihandog na sayaw na nilapatan ng mahusay na pagsasalarawan ni Ivy Sale na siyang naging narrator sa nasabing kulturang pagtatanghal.
Nasaksihan din ang mga video documentary na kung saan ay isinalarawan nito ang abang kalagayan ng ating mga kapatid na Lumad na hanggang ngayon ay patuloy sa paglikas at pananatili sa mga evacuation area dahil na rin sa matinding pandarahas sa kanila ng mga military at para-military na siyang protektor ng mga malalaking Mining companies sa kanilang lupain.
Naghandog din ng awitin si Rebeca Cuasay dating naging kampeon sa patimpalak na Pinoy Got Talent at Mega Voice dito sa Roma, Italya at ang mala tipong musikang bayan sa Roma na pinangunahan nina Fr. Aris Miranda, Jennifer Guarino at Josefa Cabugawan.
Nagpamalas din ng progresibong sayaw (Bangon na sa Rebolusyon) ang Malinisan Youth sa pangunguna nina Idina Aquino, Queen Alvarez, Katherine Kaguitla, Romalin Sangalang at Aezel Alteza na kung saan ay iniaalay nila ito para sa mga taga Barangay Malinis, Lemery, Batangas na ngayon ay nahaharap sa tangkang pangangamkam ng kanilang Lupaing matagal ng nilinang ng kanilang mga ninuno.
Nagbigay din ng mga pahayag ng pagsuporta si Luciano Seller Presidente ng Italian Filipino Frienship Association isang bagong tatag na samahan na karamihan sa mga kasapi ay mga Italyano na ang layunin ay suportahan ang pakikibaka ng mga kapatid nating Lumad sa Mindanao at mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ating bansa.
Ang nasabing aktibidad ay sa pangunguna ng ICHRP-Rome sa pakikipagtulungan ng Kalahi Dance Ensemble, Umangat-Migrante at Migrante Partylist Rome Chapter sa direksyon nina Benjie Vasquez at Luis Sale.
Sa pangwakas ay pinasalamatan nina Weng Flores (Umangat-Migrante Chairman) at Ana Brusola (ICHRP-ROME) ang lahat ng dumalo at sumuporta sa nasabing aktibidad.
Muli ay nagpapasalamat ang ICHRP-Rome, Kalahi Dance Ensemble, Umangat-Migrante at Migrante Partylist Rome sa mga sponsors, mga sumoporta at lahat ng dumalo sa nasabing pagtitipon.
STOP LUMAD KILLINGS!
NO TO LAND GRABBING!
JUSTICE FOR ALL THE VICTIMS OF HUMAN RIGHTS VIOLATION!
Umangat-Migrante Roma