Ang aking kapatid na lalaki ay dumating bilang isang turista sa Italya at may balidong tourist visa ng 60 araw. Ang kanyang visa sa ngayon ay halos expired na ngunit nais niyang manatili sa Italya. Ano ang mangyayari kung sya ay mako-control makalipas ang validity ng kanyang tourist visa?
Ang pananatili sa Italya makalipas ang maikling panahong pinahihintulutan ng entry visa tulad ng tourist visa at isang paglabag sa nasasaad sa Batas sa Imigrasyon.
Kahit ang mga mamamayan na buhat sa bansang pumirma ng bilateral agreement sa Italya (o sa EU) para sa entry visa, ang pinakamatagal na panahong pinahihintulutan para sa short stay ay tatlong (3) buwan lamang. Ipinapaalala na hindi posibleng i-extend ito sa anumang dahilan o ang mag-request ng panibagong entry visa kung ang dayuhan ay nasa Italya na.
Ang kasalukuyang batas ay nagsasaad na sinumang mako-control na walang balidong dokumento ng pananatili sa bansa, tulad ng expired tourist visa ay maaaring multahan mula 5,000 hanggang 10,000 euros. Bukod dito, sa mga nananatili ng hindi regular o walang balidong dokumento ng pananatili sa bansa ay bibigyan ng deportation order tulad ng nasasaad sa artikulo 10 bis ng D. Lgs. 286/98.
Samakatwid, kung mako-control sa panahong expired na ang short-term visa, ay kailangang magbayad ng multa tulad ng nasasaad sa batas maliban na lamang kung ang identification sa dayuhan ay magaganap sa boluntaryong paglabas nito ng bansa, kasabay ang control sa Immigration. Sa ganitong kaso lamang hindi babayaran ang multa at hindi rin mapapatawan ng anumang expulsion order ang dayuhan.
Gayunpaman, hindi lamang ang hindi regular sa dokumento ang lumalabag sa batas. Ang sinumang nagbibigay ng tirahan ng libre o may bayad sa dayuhang walang balidong dokumentasyon ay pinaparusahan ng pagkakakulong mula anim (6) na buwan hanggang tatlong (3) taon, maliban na lamang kung sasang-ayong kumpiskahin ang tahanan. Bukod dito, ang sinumang pinapaboran ang irregular stay ng dayuhan upang pagkakitaan ang iligal na pananatili nito ay pinaparusahan ng pagkakakulong hanggang apat (4) na taon at bukod pa sa multa. Kung sa mga krimeng nabanggit ay sangkot ang higit na katao ay kumakatawan sa isang mas mabigat na krimen, at ang administrative at penal sanctions ay mas mabigat.
Bilang pagtatapos, ipinapayong tandaan na hindi maaaring mag-empleyo ng isang dayuhang pumasok sa Italya para sa turismo, dahil papatawan ng multa tulad ng pag-eempleyo sa dayuhang hindi regular sa Italya.