Ang mga kwalipikadong Ofws ay hindi na kakailanganin ang OEC simula Sept 15, 2016. Ito ay batay sa direktiba ni President Rodrigo Duterte upang mapadali ang proseso sa paglabas ng mga Ofws.
Roma, Aug 8, 2016 – Ayon sa POEA o Philippine Overseas Employment Administration, bawat OFW na babalik sa kanilang dating employer o ang mga tinatawag na “Balik Manggagawa,” ay hindi na kakailanganin pa ang OEC o overseas employment certificate, kilala rin sa tawag na ‘exit pass’ simula kalahatian ng Setyembre.
Sa isang pahayag, ay sinabi ng POEA na ito ay alinsunod sa POEA Governing Board Resolution No. 12, Series of 2016, batay sa direktiba ni President Rodrigo Duterte upang mapadali ang proseso sa paglabas ng mga Ofws.
Ang pagpapatupad ng nabanggit na resolution “bilang experimental basis” ay magsisimula sa Sept. 15, 2016.
Sakop ng OEC exemption ay ang mga sumusunod:
– OFW na babalik sa parehong bansa at employer at nakatala sa POEA database bilang Ofw
– Na-empleyo sa pammagitan ng POEA’s Government Placement Branch
Samantala, upang maiwasan ang mahabang pila sa mga tanggapan, ay matatandaang simulang ipinatupad ng POEA ang Balik-Manggagawa Online Processing System.
Sa bagong resolusyon gayunpaman, ay nasasaad na ang Balik-Manggagawa, bago ang kanyang paglipad, ay kailangang mag-register sa bmonline.ph at ilagay ang mga personal at employment datas upang mapatunayan kung exempted sa pagkakaroon ng OEC.
Ang updated profile ng manggagawa pagkatapos ay ipapasa sa Bureau of Immigration, bilang batayan na magsisilbing clearance sa paglabas nang walang bayad ng processing fees.
Ang mga workers naman na hindi exempted sa OEC ay kakailanganin ng appointment.
Ang ofw na didiretso sa airport ng walang registration sa BM Online System ay papupuntahin ng Bureau of Immigration sa POEA Labor Assistance Counter (LAC) upang suriin ang sitwasyon at alamin kung ang worker ay makakalipad o kakailanganin ang karagdagang dokumento upang makalipad.
Isang buwan pagkatapos ng nabanggit na experimental period, ay magkakaroon ng mga pag-uulat at pagsusuri ukol sa naging pagpapatupad ng Balik Manggagawa OEC Exemptions.
POEA Governing Board Resolution No. 12, Series of 2016
Basahin rin:
Balik Manggagawa Online Processing System, narito kung paano
POEA Memorandum Circular No. 13, ang nilalaman nito