Narito ang ilang tips na dapat isaalang-alang kapag may lindol.
Kung nasa loob ng matibay na gusali:
- Manatili sa loob;
- Gawin ang “duck, cover, and hold” na posisyon – yumuko, magtago sa ilalim ng matibay na lamesa at humawak sa paa nito upang maprotektahan ang sarili sa naglalaglagan at naghahampasang bagay;
- Umiwas sa salaming maaaring bumagsak at mabasag; at
- Kapag may pagkakataon, buksan agad ang pinto upang makalabas matapos ang lindol.
Kung nasa labas:
- Magtungo sa bakantang lote (open space) na malayo sa gilid ng bundok, o sa tabi ng dagat at lawa;
- Lumayo sa mga puno, poste ng kuryente, pader, at ibang istruktura na maaaring bumagsak o tumumba; at
- Iwasan ang gusali na maraming salamin.
Kung nagmamaneho:
- Itabi at ihinto ang sasakyan; at
- Huwag magtangkang tumawid sa tulay, overpass, o foot bridge dahil maaaring mapinsala ito ng lindol.
Kung nasa gilid ng bundok:
- Lumayo agad sa lugar na may matatarik na dalisdis;
- Kapag naabutan ng landslide sa loob ng bahay, magtago sa ilalim ng matibay na lamesa o kama; at
- Kapag naabutan sa loob ng sasakyan, manatili lamang sa loob nito.
Kung nasa tabi ng dagat o lawa:
- Mas makabubuting ipagpalagay na magkakaroon ng tsunami o seiche; at
- Lumikas nang mabilis papunta sa mataas na lugar, papalayo sa tabing-dagat o lawa.
Narito ang mga dapat gawin pagkatapos ng lindol.
- Suriin ang sarili at kasamahan sa pinsalang natamo.
- Maglakad nang mabilis at lumabas gamit ang pinakaligtas na daan kung inabutan ng lindol sa loob ng luma at marupok na gusali.
- Tulungan sa paglikas ang may kapansanan, buntis, bata, at matatanda.
- Huwag gamitin ang elevator sa pagbaba.
- Huwag gamitin ang telepono maliban kung kailangan ng agarang tulong. Ang linya ng telepono ay gagamitin ng mga awtoridad para sa madaling pagkalap at pagsalin ng impormasyon sa oras ng emergency.
- Huwag gamitin ang sasakyan sa apektadong lugar. Ang maluwag na kalsada ay kailangan para sa mabilis na operasyon ng mga rumeresponde.
- Huwag pumasok sa gusaling may nasirang bahagi. Maaaring tuluyang gumuho o bumagsak ito kapag nagkaroon ng malakas na aftershocks.
- Makinig sa balita at sumunod sa instruksyon ng mga awtoridad.
- Maingat na linisin ang natapon na nakalalason at madaling magliyab na kemikal.
- Alamin kung may sunog at agad itong apulain. Ipagbigay-alam sa mga awtoridad, kung kinakailangan.
- Siyasatin ang tubo ng tubig at kawad ng kuryente. Kung may sira, isara ang pinagmumulan ng linya ng tubig o kuryente.
- Mag-iwan ng mensahe kung saan pupunta kapag lilisanin ang tahanan. Magdala ng emergency survival kit.
Ang gabay na ito ay unang inilathala sa InterAksyon.com
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]