“Hindi ako magsasawang magtanim, yan ang buhay ko.”
Milan, Setyembre 12, 2016 – Bahay kubo kahit munti ang halaman doon ay sari-sari, marahil ay karamihan sa atin ang hindi nakakalimot sa awiting ito.
Sa probinsiya ng San Giuliano Milanese, Italy, ay matatagpuan ang orto o ang tanimang gulay ni Fernando Conde tubong Flora Apayao na may sukat na mahigit ½ hectare. At dahil sa malawak ang lupain ay nasa kategorya siya ng contadino o farmer.
Ang nabanggit na lupain ang binubungkal at tinatamnan ng mga buto ng ampalaya, sitaw, saluyot, sayote, kalabasa, kamatis, patani, talong, sili, patola, kamote, upo. Name it, he’s got it!, ika nga!
Sa pagpasok ng panahon ng tag-init ay panahon na rin ang pag-ani ng kanyang mga produktong gulay. Maliban sa may pinagkukunan ng sariling gulay at ang iba nito ay inaangkat ng mga suking kababayan sa bayan ng San Giuliano at sa sentro ng Milan.
Kadalasan, hindi pa panahon ng anihan ay marami na sa kanyang suki ang nagpapareserba ng mga gulay. Bukod dito ay may patikim pa sa mga dumederektang suki sa orto kung saan pipitasin mismo ng mga suki ang mga ilalahok na gulay sa ilulutong ulam!
Sa pagpasok ng tag-init ani Fernando, linggo-linggo ay may mga gulay na maaaring pitasin. At ampalaya ang isa sa mabentang gulay at pinakagusto ng ating mga kababayan.
Wala namang problema pagdating sa irigasyon aniya. Ang patubig ay dumadaloy sa pagitan ng kanyang vegetable garden at ng rice and corn field na pag-aari ng mga italiano. Bukod dito ay nakakapagtabi pa si Fernando ng dalawang malaking tanke na sapat na pang dilig ng kanyang mga tanim ng dalawa hanggang tatlong linggo.
Kwento ni Fernando, taong 2010 ng simulang magbungkal ng lupa kasama ang kanyang asawa na si Evelyn na ipinagkaloob sa kanya ng isang matandang italiano, si Antonio Castellino. Buong pusong ibinigay ni Castellino ang lupa kay Fernando dahil hindi na niya kayang alagaan at taniman ang lupang ito ng gulay at prutas.
“Palibhasa’y mahilig ako sa pagbubukid, ako ay naglibot-libot sa mga bukid bukid sa gilid ng bayan ng San Giuliano at nakita ko ang isang matandang italiano na nagbubungkal ng kanyang lupa”, kwento ni Fernando.
Nilapitan niya ang matandang Italiano na si Antonio Castellion, tinanong at kinausap. Hindi naglaon ay naging kaibigan niya si Castellino.
Dahil sa katandaan ay hindi na nito kayang bungkalin ng maayos ang lupa kung kaya’t ipinagkaloob na lamang niya ang buong lupa kay Fernando sa tiwalang tatamnan ito ng mga gulay at panatilihing malinis ang buong kapaligiran.
“Pagkalipas ng isang buwan ay dinalaw ako ni Castellino sa orto at laking gulat nito na marami ng tanim na gulay at prutas. Tumikim lang siya ng prutas at nakipagkuwentuhan sa akin, mula noon ay hindi na kami nagkita pang muli”, dagdag ni Fernando.
Hindi naglaon ay pinuntahan ni Fernando si Castellino upang makipagkasundo hingil sa lupang sinasaka. Ayon sa contadino, ay nagbigay lamang ito ng kaunting halaga para sa rights ng lupa kung kaya’t ngayon ay nakapangalan na ang orto sa kanya.
Mula noon ay inayos ni Fernando ang buong kapaligiran. Hinati pa niya ito sa apat at sa kanyang kabaitan at pasasalamat sa Diyos ay hindi ito ipinagdamot bagkus ay ibinigay niya ang tatlong natitirang parteng lupa sa iba pang mga Pinoy para tamnan din nila ng mga gulay na nais nilang itanim.
Ipinagmamalaki ni Fernando na gilang siya sa isang pamilyang magsasaka at mula sa kanyang pagkabata ay tumutulong na siya sa kanyang mga magulang sa pagtatanim ng mga gulay hanggang sa nagkapamilya. Mapalad silang mag-anak na nakarating sa Italya at maliban sa kanyang pagtatanim ay mayroon din siyang regular na trabaho sa isang malaking business company sa Milan.
“Ako ang taong di magsasawang magtanim dahil yun ang buhay ko”, pagwawakas ni Fernando.
ni: Chet de Castro Valencia
larawan ni: Jesica Bautista